Matapos ang limang oras na paglalakbay galing La Union mula sa pagdalo sa isang kasalan ng aking matalik na kaibigan, tahimik akong nagdodownload ng mga pictures sa digicam nang:
Ngayawrrrrrr!!
Hiyaw ito ng isang kuting na tila ba may kaaway na pusakal sa labas ng bahay.
Ngunit ang hiyaw ay hindi dahil sa isang away o eskandalo ng mga pusa kundi dahil naipit pala ng umaandar na sasakyan ang kuting.
Ang masaklap dito, ang biktima pala ay ang aking alagang si Mims.
Ang sabi ng mga nakasaksi sa aksidente, direct hit ang buntot ng pusa. Mabuti na lamang at mabagal ang andar ng FX at kung hindi, madadamay pati katawan nito. Hindi ko alam kung ito bang mga saksi ay nagsasabi ng totoo o nananakip-butas lang sapagkat driver namin ang nakasagasa. Ngunit base naman sa aking nakita, di nga mapakali si Mims matapos ang aksidente. Ito ay halatang traumatized at ang kanyang buntot ay walang sawa sa pagkisay.
Kaagad kong dinala ang pusa sa loob ng bahay. Kasunod nito ay ang pagtawag sa aking beterinaryong kaklase sa UP upang itanong kung ano ba ang maaring maging resulta ng pagkasagasa sa buntot ng isang pusa.
Sabi naman niya'y hindi ito fatal. Magkakaroon nga lang ng problema sa pagbalanse ang pusa kapag na-injure ang buntot nito. Nagreseta rin siya ng mga gamot na maaring ipainom upang ito ay hindi mahirapan ng husto dahil sa mga natamong internal injuries. Sa kabila ng kanyang mga panigurado na okay lang ang pusa, naroon pa rin ang kaba ko na maaring may problema na hindi ko nakita. Gaya ng isang amang nag-aalala sa kanyang nag-iisang anak, hindi pa rin ako lubayan ng pagkalumo lalo pa't nakikita ko si Mims na mataimtim na nakamasid sa malayo.
Hindi kaya siya na traumatized?
Posible kayang nadurog ang mga buto sa kanyang buntot?
At maari itong maging sanhi ng isang impeksyon kapag hindi naagapan?
Patuloy kong oobserbahan ang sitwasyon ni Mims. Kung maari sana ay madala ito sa beterinaryo bukas para sa isang mas masinsinang pagsusuri ng mga eksperto.
Ano mang ang maging kahinatnan ng aksidenteng ito, isang lang ang tibok ng dibdib ko:
Ayaw ko na ma-attach... kahit sa hayop.
No wonder, kaya pala nitong mga nakaraang araw ay sobrang lambing niya sa akin.
Ma-mumuntikanan pala siya kaya ganun.
No comments:
Post a Comment