Sunday, November 11, 2007

Spaghetti Strap Incident

Ang bilis ng balik ng karma.

Alas-siyete ng gabi. Papunta ako sa opisina ni Phanks upang maningil ng utang nang si Roy ay biglang nag-aya ng gimik. "Ahhh, mukhang walang date ang pogi," sabi ko sa aking sarili. Dahil nasa labas na rin lang ako't matagal-tagal na akong hindi nakakapag-night out, nagpasya akong lumabas kasama siya matapos kong makuha ang pera sa aking boylet.

Habang iniintay ang tapos ng work-out ni parekoy, nagpasya muna akong mag-internet sa Vito Cruz. Dito na naganap ang aking pambabalahura sa isang tiga-G4M na sinumpa yata ako bilang paghihiganti.

Matapos ang isang oras, nagkita rin kami ng aking kaibigan. Unang kwento ko sa kanya ang pagka-pilosopo ko minsan sa aming favorite tambayan.

"Ang harsh mo talaga. Ako ini-ignore ko na lang yang mga yan eh." Pangaral niya sa akin. Sige na masama na talaga ako. Siraulo ako sa mga pasaway na walang inatupag kundi maghanap ng sex o kaya manghingi ng pic at number samantalang hindi naman ako kinakausap ng matino.

Dumaan muna kami sa bahay upang maghapunan at para makapaghilamos na rin ako ng mukha. Buong araw na kasi akong nasa labas bago pa man kitain ko ang aking kaibigan. Matapos nun, nagpunta kami ng Greenhills upang kitain naman si Dodong. Nitong mga nakaraang mga lakad ko, hindi ko maipaliwanag kung bakit natataon na kaming tatlo ang natyetyempong free kapag nagkakaayaan.

Sa pagkakaintindi ko, mag-iinuman lang kami sa pad ni Dodong. Masyado kasing homey ang bahay niya kaya't kahit hindi na kami mag-bar hopping, solb na ang aming gabi kaka-soundtripping at walang katapusang sentihan tungkol sa aming mga buhay-buhay. Nagkataon naman na gustong lumabas ni Dodong kaya't kahit naka-baby blue sando ako, lusob pa rin kami sa Timog upang ipagdiwang ang gabi sa piling ng isang Macho Mug ng San Mig Light sa Quatro.

Nang dumating kami ng doon, ito ay punong-puno ng tao. Ang dami pa ngang waiting sa labas eh. Sa pag-aatubili, nagpasya na lang kami maginuman sa ibang bar.

Dito na nagsimula ang aking kalbaryo.

Habang naglalakad sa kahabaan ng Timog Avenue, nagkabiruan pa kaming magpunta na lamang ng Gigolo para maiba naman ang crowd. Siyempre, hanggang biruan lang iyon sapagkat kung merong unang matatakot sa aming pumasok sa bar na iyon, ako yun. Laking takot ko lang na baka mag-enjoy ako't balik-balikan ang lugar na yun.

Natunton namin ang ikalawang bar which is Off the Grill nga. Nag-inuman na kaming magkakabarkada dito noong nasa Manila pa ang isa naming tropa na si Omeng, kaya naman kampante ako na hindi magkakaroon ng problema ang get-up ko.

Ngunit, nang papasok na kami sa loob ng bar, bigla akong hinarang ng security guard.

"Boss bawal ang nakasando rito," ang sabi niya sa akin.

Si Dodong naman at si Roy na tiyempong nasa likod ko ay bigla na lang natawa at inasar ako ng katakot-takot.

"Sino ba kasi ang nagsabing magsando ka sa Timog eh. Hindi to Malate Joms?" Hirit ni Dodong sa akin.

"Malay ko ba na magti-Timog tayo. Eh nagtitipid ako sa damit eh." Depensa ko naman.

Kaya't nagpatuloy kami sa paglalakad. Lingid sa kaalaman nilang dalawa na nagbabadya na akong lumipad ng Malate sakaling i-boycott ulit ako ng susunod na bar na pupuntahan namin. "Mabuti pa sa BED, tanggap nila kung sino ako." Dedma lang ang dalawang kasama ko.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Si Dodong at si Roy naman ay katakot takot na pang-aalipusta ang ginagawa sa akin.

"Tiyak sa Garahe eh tatanggapin tayo." Ito yung bar kung saan nagdaos ng GEB ang isang grupo sa G4M. Dito ko rin nasaksihan nag-walk out si Roy nang makita niyang naglipana ang mga diwata sa nasabing GEB.

"Yoko nga, jologs dun dito na lang tayo sa Mang Jerry's" Pabiro naman hirit ni Dodong. Sa paghahanap ng matinong bar, umabot na kami ng Tomas Morato sa paglalakad. Sunod naming tinungo ang Barracks kung saan yinapos ako sa braso ng bouncer sabay bulong sa akin ng,

"Bawal ang naka-sando dito tol." Gusto ko sana itanong bakit yung mga tsiks pwede mag-spaghetti strap.

Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung ako ba'y uuwi na lang o maghahanap ng ukay-ukay para bumili ng T-Shirt. Si Roy naman ay kung ano-ano na ang tinuturo na maari kong maging panakip sa aking exposed na balat. Mula sa kurtina na nakita namin sa isang tindahan hanggang sa mga dahon-dahon sa punong nadaanan namin sa kalsada ay nirekomenda na niya sa akin. Pati ang lona sa Clubber's Guide ay pinagdiskitahan na niya rin.

"Pahiram ko na lang sayo yung sando ko galing sa gym, gawin mong shoal" lalo pa niyang pinang-asar sa akin.

Na-reject pa ako sa isang bar bago kami umabot hanggang sa 7-11 malapit sa Chino Roces Avenue. Nagawa namin ito kakahanap ng maiinuman na tatanggap sa amin. Sa aking desperasyon, pumasok ako sa katabing bar malapit sa convenience store. Nakapasok naman ako dito ng hindi sinisita. Maganda rin naman ang sounds at katanggap-tanggap naman ang aura.

Ngunit, sa mga sandaling iyon, pagod na ang aking dalawang kasama.

Free na kaming uminom sa bar nang biglang nag-aya si Dodong ng:

"Tara balik na lang tayo sa Greenhills."

Umuwi kaming sawi galing sa Timog dahil sa akin.

Yun ang aking karma.

---

Epilogue: Pasado alas dos ng madaling araw. Sa saliw ng musika na nagmumula sa laptop ni Dodong; Sa guitar instrumental na nagpapakalma sa aking badtrip na damdamin dahil sa mga nangyari pa kinagabihan; Sa nakakalunod na usok ng yosi na hithit-buga kong pinapakalat sa hangin habang lumalagok ng isang bote ng San Mig Light, narealize namin na tila kami-kami marahil ay tinakdang maging magkakasama panghabang buhay.

"
Imagine ano kaya ang itsura natin kapag singkwenta na tayo," tanong ni Roy.

Si Dodong naman ay nagboboses matanda. Nakalimutan ko na kung ano ang kanyang sinabi.

Habang nag-uusap silang dalawa, mataimtim akong nakatitig sa madilim na bahagi ng Ortigas kung nasaan naroon ang Wack Wack Golf Club.

"Five, Fifteen, Fifty... Future ito." pabulong kong sinabi sa aking sarili.

No comments: