what time's resolved.
Or maybe something means nothing
Here after all.
- Collective Soul, After All
---
Minsan sa isang inuman ay natanong ako ng isang kaibigan kung marunong pa daw ako magmahal. Ikinagulat ko ang kanyang tanong sapagkat ito ay nakakagago. Hindi ko rin naman siya masisi, doon kasi sa tagayang iyon ko inamin sa kanya kung gaano ka miserable ang buhay relasyon ko noon.
Ngayong nagbabalik-tanaw ako sa mga kaganapan noong inumang iyon, nagsisisi ako sapagkat sana'y nasabi ko sa aking kaibigan ang aking hiling na makaramdam kung paano tunay na mahalin. Sa loob kasi ng maraming taon ay tila ba lahat ng pagmamahal na binigay ng aking kabiyak ay may kundisyon. Naroon na ituring niya akong ATM sa tuwing nagkukulang ang kanyang sweldo o kaya nama'y gawing computer shop ang aking kwarto sa tuwing siya'y may assignment sa school. Ayoko na sanang maalala ang mga ito, subalit ngayong ako ay nasa proseso ng pagsasara ng puso, hindi ko maiwasang magmuni-muni kung paano ba totoong makaramdam.
Sa mahabang panahon, ang tawag ng laman ang siyang nagdikta ng pagpasok ko sa isang relasyon. Hindi ko na inisip ang pag-iisang dibdib ng mga diwa o kahit na ang pagkakaroon ng similarity sa mga bagay-bagay. Noon, basta alam kong may naramdaman ako sa isang tao ay handa ko nang suungin ang relasyon. Ang resulta, pagkabigo sa pag-ibig dahil sa hindi pagkakasundo sa prinsipyo at paninindigan.
Nakakapanghinayang.
Malinaw sa akin na marami na akong pagkakataong sinayang. Patapos na rin ako sa pamamasyal sa pamilihan sapagkat nararamdaman ko na ang bigat ng edad sa aking mga prioridad. Nararamdaman ko na aabutin ng mahabang panahon ang paghihilom ng mga sugat na iniwan ng aking nakaraan kaya't kinakailangan kong ipinid ang pintuan ng pag-ibig. Hindi pa ako handang harapin ang bagay na ito.
Subalit sa aking pansamantalang pamamahinga, nararapat na mag-iwan ako ng mga bakas upang sa aking pagbabalik ay alam ko kung sino ang aking hahanapin. Takot man akong maglayag sa karagatan muli, subalit ang tawag ng damdamin ay hindi ko maaring ipagwalang-bahala ng matagal. Ang puso ay kusang tumitibok pilitin man natin itong itago sa ating sarili at kapag ito'y nangyari muli sa akin, tanging ang mga bakas na aking iniwan ang siyang magiging gabay kung ako ba ay magmamahal o muling magtatago.
Heto ang ilan sa mga aking mahigpit na pagbabatayan sa muling pagkakataong ako'y iibig muli:
1. Pipili ako ng ka-partner na mas maangas sa akin. Hangad ko ang laging nahahamon ang aking pagkalalaki. Likas rin sa akin ang pagiging pakawala at mahirap makontrol. Hindi ko alam kung mapapasunod ako ng isang taong kilos malamya. Nangangamba rin ako na maaring hindi ko seryosohin ang isang effeminate. Upang maiwasan magkasakitan ng damdamin, serseryoso lang ako ng taong makakagabay sa akin.
2. Sanay na akong tumayong mag-isa. Hindi man ako independent sa maraming bagay, subalit masyadong mataas ang pride ko upang umasa sa iba. Kung hahanap ako ng isang kapartner, pipiliin ko na ang isang maabilidad at marunong mag-control sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Limang taon kong nahasa ang pagiging ma-diskarte sa mga problema salamat sa aking ex na laging umaasa sa akin ng mga solusyon. Na-spoon feed ko man siya, subalit ang kapalit noon ay ang pagkakaroon ng initiative upang makita ang mga sitwasyon bago pa man ito maganap.
3. Hahanap ako ng kapartner na malapit sa kanyang pamilya. For a change, pangarap ko naman mapakilala sa pamilya ng aking boyfriend kahit na ako'y isang matalik na kaibigan lang sa kanilang paningin. Ganito rin ang nais kong mangyari sa aking pamilya. Lubos kong bibigyang paggalang ang aking kapartner sakaling tanggap niya ang pagiging mama's boy. Ang batas ng nanay kasi ang siyang umiiral sa aming pamamahay at kung maipapakilala ko siya sa aking nanay bilang isang lalaking malapit sa kanyang ina, hindi malayong ang aking tahanan ay maging kanya rin.
4. Pipili ako ng kapartner na low maintenance. Matagal ko nang tinalikuran ang materyal na pangkasiyahan at nadala na ako sa relasyong ang nagpapaikot ay pera. Kilala ang mga PLU sa pagiging vain at metrosexual. Hindi ko makakaila na sa maraming panahon ay ganito rin ako. Subalit, anumang trappings ng vanity meron sa akin, ang pagiging koboy, rugged at fit ang siyang mga traits na hahanapin ko sa aking magiging kahati.
5. Masyado mang mababaw ngunit pagdating sa common interests, maghahanap ako ng buddy na mahilig sa kasaysayan, anime, science fiction at alternative music. Ngayon ko lang aaminin na kapag ako ay in-love o kaya naman ay nasa mood mangromansa, ang maririnig mong tugtog sa aking player ay mga kanta ni Shawn Mullins, Bic Runga, Five For Fighting, Dishwalla, Paula Cole, Lifehouse, Goo Goo Dolls at Ben Folds Five.
6. Ang pagsusulat ang natatanging kong sandata na maaring ipagmalaki (bukod pa sa isa) Higit kong ikatutuwa kung ang aking kapartner ay hindi lamang magaling makipaglaro sa kama kundi matindi rin makipagtagisan pagdating sa wika at sa pagsulat ng istorya - mapa-Ingles man ito o Filipino.
7. Nasambit ko minsan sa isang kausap na ang tatlong component na bumubuo sa aking pagkatao ay ang pagiging creative, esoteric at intellectual. Lubhang napakahirap hanapin nito sa isang tao. Sakaling ako man ay makakatagpo ng katapat, asahan mong ito'y hindi ko bibitawan.
8. Dalangin kong makatagpo ng isang kapartner na may pinaniniwalaan at nag-uumapaw ang kabutihan.
9. Pipili ako ng isang kapartner na mababaw ang kaligayahan. Siya yung tipo ng tao na makakahanap ng kasiyahan sa mahabang paglalakad o kaya nama'y pag-eexplore sa mga lugar lugar na hindi pa namin nakikita. Siya ang tipo na makikitaan mo ng ngiti o kaya nama'y pagkaaliwas ng mukha makakita lamang ng sikat ng araw o kaya nama'y paglubog nito. Siya yung tipo ng tao na nakakaramdam ng kalayaan sa tuwing tumitingin sa mga ulap, sa mga bituin o kaya nama'y sa bughaw na dagat. Siya yung tipong nakaka-appreciate sa mga "wide open spaces" o kaya nama'y sa matataas na lugar kung saan maraming matatanaw.
10. Higit sa lahat, hahanap ako ng kabiyak na aking makakausap sa tuwing ako ay nalulumbay. Yung kahit magdamag kayong magkasama ay hindi kayo mauubusan ng pagkwekwentuhan. Hahanap ako ng kabiyak na marunong maka-appreciate sa halaga ng isang yakap at kapayapaan sa katahimikan. Sa loob ng pitong taon ay hindi ko man lang naging kakwentuhan ang aking mga naging kapartner.
Sa dami ng aking batayan ay tila imposible ang makahanap ng katapat. Kung tutuusin ay wala naman akong maaring ipagmamalaki upang bumalangkas ng mga kundisyon na siyang magpapatibok ng aking puso. Ang masaklap pa dito, madalas ay nauuwi rin tayo sa mga taong hindi naman natin talaga hinahangad.
Sadyang bihira lang yata talaga pagtagpuin ng tadhana ang mga taong naghahanap sa isa't isa.
Sa kabila nito ay handa akong mag-intay gaano man katagal matagpuan lamang ang aking hinahanap. Handa kong ipagkait sa aking sarili ang tawag ng laman, ang pag-ibig na maaring ibigay ng iba, at ang distraction na aking matatanggap sa mga tagahangang irereto ng mga kaibigan o kaya naman ay makikilala sa sayawan.
Ito ang aking magiging sakripisyo.
---
is someone just a heartbeat away.
But we are bound to go separate ways. We are only meant to be friends.
Therefore, I have erected listening posts around my citadel in search of another. In my greatest fear however, I feel nobody else will come close. Absolute chemistry is simply hard to find.
The gates are now locked. The long sleep begins.