Habang ang buong shift ay nasa gitna ng isang malaking pagsasalo para sa kaarawan ng isang katrabaho, pasuray-suray akong lumapit sa kinauupuan ni Mami Athena upang maupo sa bakanteng silya sa likod nito. At habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid naming dalawa dahan-dahan kong inangat ang kanyang monoblock upang ito ay magtilt papalapit sa akin. Dala ng tama ng alak, inangat ko ang aking mga braso upang ipulupot sa kanyang leeg at balikat. Kasabay nito ang pagsandal ng aking ulo sa kanyang likuran.
Kahit may tama ako ng mga oras na iyon, alam kong ang mga mata ay nakatingin sa aming dalawa. Obvious naman na close kami sa isa't isa, ngunit sa mga taong hindi nakakaalam, marahil titingnan nilang kakaiba ang aming pinagsamahan - sa lahat kasi ng lalaki sa opisina bukod sa mga effem, ako lang ang nakakayakap sa kanya ng ganun na hindi niya binibigyan ng malisya.
"I-aaout kita bebe ha, para hindi ka nila tayo tingnan ng kakaiba."
Nangyari ang dapat mangyari ng hindi ako pumalag o nagprotesta. Nang gabing iyon, lumabas ang totoong pagkatao ko sa aking mga ka-opisina. Hindi ko alam kung ilan ang nakarinig, o ilan ang totoong pumansin. Sabagay simula noon, andami ko ng binibigay na hints sa kanila - ang pagbubukas ko ng G4M kahit may trabaho, ang aking closeness sa mga effem na ka-shift ko, ang unti-unti kong pag-oout sa mga taong hindi ko naman ganun ka-close. Kumbaga, official lang ang nangyaring deklarasyon kagabi.
At ang weird sa lahat ng iyon, ni ka-titing ay hindi ako naapektuhan ng pag-oout ni Mami sa akin. Naging daan pa nga iyon upang mas maging malaya ako sa opisina. Basta ba wala akong sinasagasaang ka-trabaho, hindi ko na dapat alamin kung ano ang sinasabi sa akin ng mga tao sa aking likuran. Sa isang banda, maaring maapektuhan ng dalang stigma ang aking pakikisama sa mga straight kong ka-trabaho, lalo pa't medyo negatibo ang tingin ng ilan sa isang kasama kong effem. Makikita ko na lang iyon sa mga susunod na inuman.
Ang mahalaga, wala na akong itinatago. Siguro naman tapos na ang spekulasyon nila tungkol sa pagkatao ko.
Higit sa lahat, maaring ang panimulang ito ang maging daan upang opisyal na i-out ko rin ang aking sarili at ka-relasyon sa aking pamilya balang araw - kahit ilang linggo lang ang nakakaraan, nagparinig ang aking nanay na "tanggap niya ako kahit ano pa ako."
Sa totoo, pagod na rin ako sa pagtatago ng relasyon ko kay Phanks. Matagal tagal na rin akong namumuhay ng ganito.
No comments:
Post a Comment