Monday, November 28, 2005

Si Psychotic Friend

Bakit ganun ang buhay, minsan ikaw ang nasa itaas, minsan naman ikaw ang nasa baba. Ang weird pero gaano man natin sabihing cliche ang mga salitang ito, kapag harap harapan kang binigyan ng sampol kung paano umikot ang gulong ng buhay, ikaw rin mismo ay mapapamangha sa kakayahan nitong magpabago ng tadhana.

--

Kanina matapos ang duty, sumimple ako sa mga kasama ko sa opisina upang makadalo sa burol ng tatay ng isa sa aking mga katrabaho sa umaga. Sa tulong ni Telang Bayawak, nakarating ako ng Pasig kahit hindi ko na muli ito nabisita sa loob ng mahabang panahon.

Sa Rosario ako nakahanap ng jeep patungo sa aking pupuntahan. Binagtas nito ang isang makitid na kalye kung saan lumitaw kami sa tabi mismo ng Floodway. Sa buong buhay ko, iilang beses ko lang nakita ng malapitan ang structure na yun. Dahil na rin sa curiosity (matapos kong makita ang dulo nito na tumatagos pala sa Ilog Pasig), nakipagkwentuhan na rin ako sa driver tungkol sa history ng Floodway na yun.

Simula pa lang pagkabata, naging habit ko na maging curious sa mga lugar na pinupuntahan ko. Sabi nga ng nanay ko, wala daw akong inatupag sa daan noong bata pa ako kung hindi magtanong kung saang mga lugar ang karatulang nakalagay sa harap ng Jeep. Tuloy, nang lumaki ako't naging batang gala, hindi masyadong naging hassle sa akin pumunta sa mga lugar na ni sa imagination ko ay hindi ko pa nakikita.

--

Kaninang umaga, panay ang advertise nila Mami kung sino ang sasama sa pagdalo sa burol ng tatay ng aming katrabaho. Hindi nila alam na habang binabanggit nila kung saan ang lugar ng burol, ito’y inililista ko na sakali ngang magsolo ako ng lakad ng hapon.

Pagdating ko sa subdivision kung saan nakatira ang aking kasamahan, una kong tinanong sa tricycle driver ang simbahan sa loob ng subdivision na iyon. Nais ko sanang maglakad na lang para makatipid ng pamasahe, pero…

Naduwag na rin ako kasi baka malayo mula sa bungad ng subdivision ang pupuntahan ko.

Naabutan kong natutulog si Psychotic Friend (codename) at nakahilata sa isa sa mga upuan. Halatang naging tahanan na niya ang chapel na iyon simula ng sumakabilang buhay ang kanyang tatay.

Kaagad rin siyang ginising ng kanyang mga kasama, kaya naman nawalan na rin ako ng tsansa makilala kung ano bang pamilya meron ang katrabaho kong ito.

Upang makapagkwentuhan ng mabuti, inaya niya ako sa labas ng Chapel kung saan nagkalat ang mga monobloc na marahil ay ginamit rin ng mga bisitang nauna sa akin.

Doon, nagsimulang magkwento si Psychotic Friend; mula sa tense moments kung saan namaalam ang kanyang ama hanggang sa kung anong buhay ba ang meron siya talaga.
---

Si Psychotic Friend ay isa sa mga pinakamasipag naming katrabaho at walang tatalo sa kanyang katahimikan. Ni minsan ay walang nakakita sa kanyang tumatawa, at may isang panahon pa na umaabot hanggang night shift ang balita kapag siya ay nagsalita ng isang buong sentence.
Kaya lang siya tinawag na Psychotic ni Mami kasi limang buwan na siya sa trabaho ngunit sa sobrang introvert nitong taong ito, naging misteryo ang kanyang buhay para sa lahat. Kapag nagsimula nga ang shift, nandun lang siya sa upuan niya't nagtratrabaho… minsan natutulog kapag walang trabaho at minsan naman naglalaro ng online games kapag nababagot. Si Mami lang ang unang nakapenetrate sa defenses niya.

Sa mahabang panahon, nagkaroon lang kami ng larawan ng kanyang buhay dahil na rin sa mga kwento ni Mami. Magaling naman siyang makisama kung tutuusin, hindi nga lang masalita. Pero kanina, sadya atang naging traumatic ang nangyari sa kanya na nagopen up rin siya sa akin tungkol sa sarili niya.

Mukhang ako ang pangalawang nakabuo sa puzzle ng buhay niya.

--

Gaya ng sabi ko kanina, sadyang mapait minsan ang gulong ng buhay. Minsan ikaw ang nasa itaas, minsan naman ikaw ang nasa ibaba.

Si Pyschotic Friend ay pangatlo sa magkakapatid na apat. Lahat naman silang magkakapatid ay nagtratrabaho na kaya’t minabuti na rin ng kanilang mga magulang na magretire na.

Ang kanyang pumanaw na ama ay active sa simbahan sa lugar nila. Sa pagmamasid masid ko na rin, mukhang high-class nga ang subdivision kung saan sila nakatira.
Mukhang may kaya ang pamilya niya.

Sa kanyang pagkwekwento, inamin niya sa akin na dati silang mayaman. Sa bahay pa lang nila na may sampung kwarto, alam mo nang bigatin ang pamilyang kinalakihan niya.

Noon daw kasi, parehong nasa insurance ang mga magulang niya at may mataas na posisyon dun. Sa kasamaang palad nga lang, na diagnosed na may Breast Cancer ang kanyang nanay kaya naman unti unting naubos ang kanilang kayamanan para sa pagpapagamot lang ng kanilang ina.
Sa awa ng Diyos, bumuti naman ang kalagayan ng kanilang nanay.

Mula sa pinakamataas, bumulusok sila paibaba. Ang dating maykayang pamilya ni Psychotic Friend ay biglang nagkaroon ng mga loans kung kani-kanino. Upang makabawi, nagpasyang magretire pareho ang kanyang mga magulang at gawing pambayad ang kanilang separation pay.

Nangyari lahat ito sa loob lamang ng dalawang taon simula ng siya ay nagtapos ng High School. Matapos mag-aral sandali sa isang University sa labas ng Maynila,

pagbalik niya… ibang mundo na ang kanyang nadatnan.

--

Kwento sakin ni Psychotic Friend. Noon daw, merong pangako sa kanila ang kanilang mga magulang na pagkagraduate ng High School, sila magkakaroon ng sariling sasakyan. Naranasan pa nga daw niya magmaneho ng brand new na Honda Civic noon eh.

Ngunit mula sa lima, lahat ng sasakyan nila ay kanilang naibenta. Noon ngang nasa kasagsagan ng emergency ang kanilang pamilya, isang reason kung bakit hindi nila naisugod sa ospital ang kanilang ama eh dahil sa kawalan ng sasakyan.

Kung hindi pa tumulong ang kanilang border, marahil natagalan pa bago naitakbo ang kanilang tatay sa emergency room.

Marami pang naikwento sa akin si Psychotic Friend at bilang gratitude sa kanyang pag-oopen up, kinuwento ko rin sa kanya ang aking buhay – kung paano naging related ang sitwasyon naming dalawa.

… kung paano ako namulat sa pabago bagong takbo ng gulong ng buhay gaya ng naranasan ng pamilya niya.

--

Buti na lang, malalim ang religious foundations nitong si Psychotic Friend. Siguro kung ibang tao yun, mas naging bitter ang tugon niya sa buhay na kung tutuusin naman ay naging masakit para sa kanila.

Sa aming pag-uusap, unti unti kong nakikita ang character ng aming opisina. Beyond Rica Paralejo, maraming kwento ng pait, sakit at pagsusumikap upang makabangong muli ang napipintura sa bawat mukha ng katrabaho ko na nakikita araw araw.
Pero syempre, merong mangilan-ngilan pa rin sa kanila ang naging maganda ang takbo ng buhay. Yun nga lang, mas higit na nakararami ay may malungkot na nakaraan gaya ng sinapit namin nila Mami...

Kung dati rati, Karnibal ang tawag namin sa opisinang meron kami… sa likod ng mga tawanan, kulitan at minsan kaweirdohan ng mga taong nandun, marami sa sa kanila ang may kwentong buhay gaya ng kay Psychotic Friend.

--

Nagpaalam ako kay Psychotic Friend, eksaktong pag-alis naman nila Mami sa opisina. Gaya ng plano, hindi ko pinaalam sa mga ito na nagpauna na ako sa kanila.

Siguro kung sumabay ako sa kanila, hindi lang ako ginabi ng uwi, hindi ko pa madidiskubre at maisusulat ang kwentong buhay ng aking katrabaho.

Habang naglalakad palabas ng subdivision, muli kong napansin na mukhang maganda ang lubog ng araw kanina… Iyon ang klase ng dapithapon na talagang inaabangan-abangan ko.

Tuwing napapadaan ako sa malalaki't magagarang mga bahay, muli-muling sumasagi sa akin ang mga naulila kong mga pangarap nung ako’y nasa Kolehiyo pa.

Dati rati, pinangarap ko rin tumira sa ganung klaseng subdivision... Pinangarap ko rin na magkaroon ng ganung bahay balang araw.

Pero ngayon…

Gaya nga nga sabi sa commercial ng Ginebra.

Bilog ang Mundo.

Ang mga pangarap na yun ay nabahiran na ng totoong kulay ng buhay..

No comments: