Monday, May 29, 2006

Questions Of Pride

Dear Badinggerzie,

Sa tinagal-tagal ko na sa ganitong preference, hindi ko akalain na meron pa pala akong tinatagong reservations pag dating sa sexuality ko.

Kaninang umaga sa trabaho, aksidenteng nasiwalat ng isa kong katrabahong bading ang tungkol sa kabadingan ko sa lahat ng mga ka-team mate namin. Nagsimula ang lahat nang magreklamo ako sa kanya tungkol sa kabagalan ng internet connection ko na nakakaapekto pati na rin sa output ko sa trabaho. Wala naman akong inaasahang response sa kanya, kung tutuusin naghahanap lang naman ako ng maaring pagsabihan ng frustrations ko nang bigla biglang sinigaw niya sa akin ng pabiro na huwag daw akong mag-G4M para bumilis ang trabaho ko.

Okay lang sana kung doon na lang natapos ang bira niya pero dahil natural sa mga maiingay na bading ang walang prenong bunganga, nasabi niya pati na kesyo lalaki daw ang inaatupag ko umagang-umaga at bakit daw hindi ako gumaya sa kanya na sa sinehan ang diretso pagdating ng hapon. Siyempre, ang unang reaction ko eh dumepensa lalo na't hindi naman ako "officially" out sa lahat ng tao. Matapos mahimasmasan sa mga sinabi niya, narealize ko na nagtatawanan na pala ang lahat ng ka-team mate ko.

Sa totoo, pahiya ako sa mga naging tagpo namin sa harap nilang lahat. Sa sobrang badtrip ko, agad kong kinausap sa MSN ang isa sa mga panakapinagkakatiwalaan kong katrabaho tungkol sa preference ko - si Athena. Sinabi ko sa kanya na na pissed off ako sa nangyari at todo-todong pahiya ang inabot ko sa iba. Tugon niya sa akin, dapat daw hindi ko na pinapansin ang bagay na yun. Bukod sa talagang out na rin naman ako't tanggap na ng mga nakakaalam, wala naman talaga akong "tinatago" technically.

Sa isang banda, alam ko may point siya. Kung tutuusin dapat hindi naman big-deal itong bagay na ito kung naging normal at hindi kapahiya-pahiya ang sitwasyon. Alam ko naman sa sarili ko ang preference ko at hangga't maari hindi ko iyon ikinakaila sakali mang may maglakas loob itanong sa akin iyon ng diretso. Pero sa paraan ng pag-oout sa akin ng katrabaho ko, dun ako nanggalaiti ng husto. Sa sobrang sama ng loob ko, napilitan akong lumipat ng upuan makalayo lamang sa kanya.

---

Para sa akin kasi, ang preference ang isa sa mga bagay na hangga't maari ay hindi mo kailangang ipagkalat sa iba, lalo na't hindi mo alam kung ano ang magiging reaction ng mga nakakaalam nito sa preference mo. Sa case ko, tingin ko hindi na nila business malaman yun - lalo na't mangagaling pa sa iba na tinuturing mong stereotype na pilit mong binabago. Higit sa lahat, ito pa'y nangyari sa paraang hindi maganda sa mga nakarinig. Buti sana kung ito'y napag-usapan sa isang inuman o sentihang paraan kung saan higit na maiintindihan ng mga nakarinig ang iyong pagpapaliwanag.

Naalala ko tuloy yung isang effeminate na halos apat na oras kung tumambay sa gym ko. Kung tutuusin, hindi naman work out ang ginagawa niya kundi magtingin lang ng mga lalaking nagbubuhat. Ang badtrip pa dun, kapag trip niya ang lalaki, lalandiin pa niya ito't tsa-tsansingan sa paraang masagwa kahit sa paningin ng isa ring bading.

Minsan, habang may kausap rin akong nagy-gym kasabay namin, hindi niya naiwasan i-bring up ang tungkol sa inaasal noong effem na yun sa gym namin. Sabi niya, hindi naman daw talaga nagbubuhat yung bading na yun kundi naghahanap lang ng mahahada. Sa pagkakasabi niyang yun na medyo nagboborder pa sa tonong nangkukutya, hindi na ako nagtataka kung bakit ang mga bading ay patuloy pa ring dinidiscriminate ng mga straight.

Sa asal at kalandian pa lang na pinapakita nung effem sa tuwing magkakasabay kami mag-work out, maiintindihan na ng isang katulad ko kung bakit ang discreet at straight-acting ay madalas lumalayo sa effem. Makita ko pa lang ang gaslaw ng kamay niya, alam ko na kung bakit discriminated at takot mag-out ang isang closetang bading lalo na't nakakakita ng kagaya niya.

---

At siguro yun ang basehan ng naging galit at sama ng loob ko kanina.

Para sa isang katulad ko na hindi naman magaslaw ang kilos at lambutin sa harap ng mga ordinaryong tao, ang ma-out at mapahiya ng basta ganun na lang ay talaga namang mamasamain mo - aminin mo man ito o hindi. Sa kaso kanina kung saan dominated ng mga straight at hindi ko masyadong mga kadikit na trabaho ang makakarinig, pakiramdam ko, ang kanyang mga sinabi ay labag sa aking privacy. Kung sa kanya, isang malaking joke ang maging bading...

...sa akin hindi.

Malaking bagay pa rin sa akin ang i-out ang sarili ko sa mga taong pinipili kong pagsabihan nito.
Napapaisip tuloy ako kung tama ba ang ginagawa kong mas maging open sa mga effem at magtiwala sa mga ito higit pa sa tiwalang binibigay ko sa straight acting. Tama ba ang mag-encourage ng mga confused na tanggapin ang sarili at lumantad sa iba kung ganito rin naman ang mangyayari?

Sa dinami-dami ng mga tanong na bumabalot sa akin simula ng mangyari ang aksidente kanina, ang pinakamatinding katanungan sa akin ngayon ay kung proud ba talaga ako sa sexuality ko't kaya ko ba ito ipaglaban,

O ito'y isang patawa lamang?

No comments: