Saturday, September 1, 2007

Book Faire

Habang kausap ko si Malibog* kaninang tanghali sa cellphone, biglang nag-call wait ang aking telepono. Ito ay tawag mula sa bahay, na sa mga alanganing oras katulad kaninang tanghali ay tunituring kong urgent call.

Daglian kong pinag-call wait si Malibog. Ang tawag ay mula sa aking nanay, na sa kabilang linya ay tila ba kagagaling lang sa pag-iyak.

"Anak... (singhot) may gagawin ka ba mamaya pagkatapos ng trabaho mo?"

"Wala po, bakit ma?" Sagot ko sa aking nanay.

"Samahan mo naman ang kapatid mo sa book fair sa World Trade Center. Hindi siya umattend ng meeting ng movement para lang doon."

Nang marinig ko ang mga katagang "hindi siya umattend ng movement," kulang na lang na sabihin ko sa nanay ko na isa itong himala. Sa totoo, gusto sana ng ermats ko na siya na lang ang sumama. Ngunit kagabi kasi ay dumating sa bahay ang dati niyang mga alaga, na ngayo'y may sarili ng mga pamilya't magagandang trabaho. Inabot ng hatinggabi ang kanilang pagkwekwentuhan at pagre-reminisce sa mga taong sila'y nasa poder namin at pinapakain ng libre.

At dahil dito, nabinat ang aking nanay. Noong isang gabi lang kasi ay umuwi siya galing trabaho na inaapoy ng lagnat.

---

Hindi ko sana trip ang lumabas ng bahay, lalo pa't ako rin ay over fatigued na dahil sa school, work at gym. Marami rin akong dapat gawin na requirements bukod sa pagpapahinga ng katawan. Ngunit naalala ko nga pala ang sinumpaan kong salaysay kahapon at ang namamayaning kapayapaan at katahimikan sa bahay.

Hindi ko maaring isuko lahat ng iyon dahil lang sa aking pansariling kapakanan.

Kaya't nagtungo kami sa World Trade Center ng utol ko para sa International Book Fair na kasalukuyang ginaganap doon. Buti na lang at pinagamit ng aking butihing ina ang kanyang sasakyan kaya't hindi na naging hassle para sa amin ang magpalipat lipat ng transpo patungo roon.
Wala sa hinagap ko ang magtingin ng libro, lalo pa't ang bumili nito sapagkat sa dami ng aking kailangang basahin para ngayong semester, tama na ang mga nobelang required basahin para sa aking isang subject sa school.

Isa pa, overwhelmed pa rin ako sa aking mga nakita sa Fully Booked, Fort Bonifacio dalawang linggo na ang nakakaraan. Ang paglalakbay ko rin dito ang pangunahing dahilan kung bakit ako nagkatrangkaso noong mga panahong iyon. Kaya't ngayon, hindi na big time sa akin ang maligaw sa isang lugar na literal na binabaha ng iba't ibang klase ng libro.

Sumama lang ako para sa sights at pati na rin sa bonding sa kapatid ko.

Mas nag enjoy pa nga akong nagkukukuha ng litrato gaya ng ginagawa ng aking idol at kaibigan na si Project Manila.


Sikat na talaga si Wanda, may sariling shelf sa exhibit ng Psi-Com Publishing.


Darating kaya ang panahon na magiging kabilang ang aking libro dito? Parang hindi ko yata kaya ang maging sobrang out.



Ang kabuuan ng book exhibit area.

Tumagal rin ng higit sa dalawang oras ang aming paglilibot. Kung ang kapatid ko ay puro libro ang pinamili, ako nama'y mga anek-anek gaya ng placemat na painting, bookmark na gawa sa kahoy na ipangreregalo sa pasko; at isang alarm clock na nag-iiba ng kulay - na kung sa tutuusin ay mabibili mo rin sa bangketa. Ang malupit pa dito, lumabas ako ng World Trade Center at nilakad ang Buendia patungong Harrison upang makapag-withdraw lamang ng isang libo na panggastos.

Umuwi kaming hapong hapo dahil sa pagod. Ngunit sa kabila nito, may kanya-kanyang namang kaming mga ngiti sa aming mukha. Ang kapatid ko kasi, nakalibre ng ilang libro dahil binigyan ko ng pera. Ang aking nanay ko naman, nakalibre na siya ng pahinga, may pasalubong pa na lomi galing sa Chowking. Ang tomboy naming driver at ang kasama niyang escort na mukhang rockstar ay may pangmeryenda at panglakwatsa, na iniwan namin sa kanila bago kami pumasok ng World Trade Center.

At ako...

Masaya ako dahil kahit pagod at nawalan ng pera, napatunayan ko naman na ayos na ulit kami ng kapatid ko. Ito ang isa sa mga rare moments na magkasundo kami at masayang nagkasama ng utol ko sa iisang lakad.

---

*Malibog - profile handle sa G4M. Kaibigan ko ang taong nasa likod ng profile na ito.

No comments: