Nagsimula ang lahat ng may isang lalaking na nalasing sa Nipa Hut noong nakaraang Martes. Pagkaraan ng pagkahaba-habang panahong hindi niya nasisilayan ang mala-babaylang imahe ng kanyang nanay-nanayan na si Athena, isang higit lamang nito sa inuman at sunod naman ang ating bida.
Matapos ang dalawang boteng Red Horse at isang bottoms up, umalis ng Nipa Hut itong ating lalaki na susuray-suray para sumakay ng FX patungong Ortigas. Kahit may tama at nangangamoy tsiko sa loob ng sasakyan, malinaw sa kanyang balakin ang bumili ng MP3 Player ng gabing iyon.
Sa entrance pa lang ng Megamall, hindi na niya ininda ang nakaambang panganib na maaring maamoy siya ng security guard na nag-iinspect ng bag ng bawat papasok. Mabuti na lang at kahit mahilo-hilo itong ating lalaki, pasimple siyang nakapasok suot pa ang kanyang sunglasses na binili noong isang taon.
Dala ng kalasingan, tanging ang kanyang mga paa na lang ang nagdala sa kanya patungo sa direksyong kanyang pupuntahan. Fourth Floor Cybergate, kahit ilang beses pa lang siyang nakaapak dito, alam ng kanyang damdamin na dito niya makikita ang kanyang bibilhin.
Ilang tindahan rin ang kanyang panasok bago niya nakita ang Electroworld. Kung tutuusin, hindi pagkakamalan na sila pala ang outlet ng matitinong mga MP3 players sa lugar - hindi yung mga imitation brands na gawa sa mga bulok na factory sa China. Habang nagtitingin ng kanyang bibilhin, isang matinding debate ang nagaganap sa kanyang utak...
---
Ipod 5th Gen... masyadong mahal, ayokong mamulubi dahil lang sa luho ko.
Rio... ano yun?
Mpio... nakakatakot ito, andami palang Mp3 players na hindi ko alam!!
Lasheng ka na, uwi na sa bahay Punks
Shuffle na lang kaya para soshalen pa rin?
Ang cute naman nung sales rep, kaso mukhang straight eh.
Sugod pa ba akong Padi's Point pagkatapos nito?
Wag na paano ka papasakayin ng MRT eh lasing ka?
Ano na ang bibilhin ko, dali magsasara na ang mall!!
Hayun, Creative na lang para soshalen pa ren na pasimple
Honga!! Creative na lang, sabi sakin ni Bronxdude maganda daw yun.
Anong pababayad natin??
Edi yung winidraw mo na 2 thou kanina bago ka pumuntang Nipa Hut!
Kulang eh?
Yung Card.
Honga yung Card!
Sige na nga, Gamitin ang Magic Plastic Card ngayon din!!!
---
At hayun nga ang nangyari. Bumili ng Creative Zen ang lalaking lasing kahit ito'y madugo sa kanyang bulsa. Alang-alang sa pagpapatuloy ng kanyang pag-ggym at sa walang sawang "pang-hihiram" ng MP3 sa internet, ito ang kanyang naging solusyon sa kanyang pagiging Audiophile.
Ngunit, sa kanyang paggastos, isang taon rin ang kanyang bubunuin mabayaran lang ng buo ang kanyang binili. Para sa kanya, mabuti na rin ito sapagkat mapipilitan siyang ihinto ang paggastos sa kanyang credit card na ginamit na pambayad. At least isang credit card na lang ang proproblemahin niya.
Matapos i-test at bayaran ang kanyang bagong MP3 Player, kaagad na rin niya itong ginamit pauwi ng bahay. Suot-suot pa rin ang kanyang shades kahit na madilim na ang paligid, balewala sa kanya anuman ang sabihin ng mga tao.
Hanggang sa may isang matandang babae ang nakapansin sa kanya...
Punks!!!
Tita ___________!
Andito ka pala hijo, anong ginagawa mo dito may pasok ka pa bukas ah.
May binili lang po. (sabay pakita ng mp3 player)
Aba may pera ka pala ha!
Card po ito Tita.
Magkano?
________
Aba ang mahal naman, alam ba yan ng nanay mo?
Opo.
Teka, bakit naka shades ka eh ang dilim dilim?
Tsaka bakit namumula ka at ang bango ng hininga mo??
Don't tell me...
---
Sa bandang huli, ang lalaki ay napilitang umuwi kasama ang kanyang tiyahin. In fairness, magara ang kotseng naghatid sa kanya sa bahay, kung saan nag-iintay na ang kanyang nanay.
Buti na lang at hindi nagsumbong ang tita kung hindi...
Lagot.
Moral Lesson sa kwentong ito: Delikadong pumasok ng mall ng lasing. Bukod sa panganib ng pagsuka, nagiging shopaholic ang mga repressed na taong kagaya ko.
No comments:
Post a Comment