Tuesday, September 26, 2006

Oblation Blues

Parang kailan lang, nahihiya pa akong pumasok sa classroom dahil ang tingin ko'y magkakakilala na ang mga classmate ko sa subject kong Creative Non-Fiction. Tanda ko pa na nakipag-kamay pa ako kay Charm na ang tingin ko noon ay class president nila. Hindi ko rin makakalimutan na ginamit ko pa sa introduction ko ang mga salitang "I'm a first year student..." na ikanagulat ng iba sabay kabig ng "...taking up master's degree." na siya namang ikinagaan ng loob nila. Noong mga panahong ring iyon, may halo pa ng pagnanasa ang mga tingin ko kay Abre, na kaklase ko naman sa Literary Criticism. Sinong mag-aakala na yung kapre palang iyon na semikal ang buhok, may pagka-arabo ang mga mata at may teeth gaps sa ngipin ay dati palang basketball player ng Ateneo. Simula noon, siya na ang yosi break partner ko at dismissal buddy ko matapos ang last subject. Ilang buwan rin akong nakalibre sa pamasahe dahil nakikisakay ako sa kanyang old-school na tsikot hanggang sa Ateneo. Sayang nga lang at bago natapos ang sem, kinailangan niyang lumipad papuntang states upang alagaan ang kanyang naghihingalong ama.

Dumaan ang midterms. Nainterview ko si Carlo Vergara para sa aking Personal Profile na essay. Bumagsak ako sa exams ko sa Literary Criticism, pero at least ako ang pinaka-highest sa mga nagmamasters. Natuto akong magbasa ng pagkahaba-habang mga essays, na hindi ko na nagagawa sa mahabang panahon, at natuto rin akong mang-okray ng mga essays ng kaklase ko, hindi ko man ito gustong naisin. Sadya talagang mga berdugo ang mga marooners.

Isang buwan ang lumipas, bago ko matapos ang aking Railroad Project. Sa pag-reresearch pa lang dito, tatlong beses akong sumakay ng tren ng full trip, at naligaw sa Laguna upang hanapin ang mga pamilyang na-resettle dahil sa demolisyon sa riles. Lumipad ala-Amazing Race rin ako pabalik ng Tutuban upang habulin ang isang VIP upang pigain ang kanyang kaalaman tungkol sa mga tren. Nang magsulat ako ng essay, ito pa ay sa paraang 5 gibs. Sa bagal at ingat ko sa aking composition, inaabot lang ako ng 2 pages kada sulatan - na ginagawa ko pagkagising ng umaga bago ang klase sa school. Sa huli, matapos ang ilang gabing anxiety attacks at katakot takot na proofreading, maganda naman ang naging feedback mula sa mga kaklase kong - sing dugo ko rin mang-okray ng mga papel. Nagkaroon pa ako ng bonus sapagkat instead na 2.0 ang ibinigay sa akin ni Conchitina Cruz, pinalitan niya ito ng 1.75, for the effort... na sa totoo lang ay ginawa kong overboard.

Upang maging close sa aking professor sa Literary Criticism na si Dr. Aureus, pinilit kong matutunan ang kanyang subject, masyado man itong malalim para sa aking makitid na utak. Sa huli, sa kanya ko natutunan ang "sacredness of the classroom" at ang mga salitang "beauty," "sublime" at "decorum" Siya rin ang nagimpluwensiya sa aking maging "cultured" sa aking araw-araw na buhay. Kung sa hinaharap ay manood man ako ng mga Opera at Ballet Dancing sa CCP at maging Buddhist, most likely, siya ang unang taong maalala ko dahil sa art appreciation at eastern philosophy na inimpluwensya niya sa akin.

Noong simula, imbyerna pa ako sa mga kaklase kong tiga UP, dahil feeling ko, nangangain sila ng buhay. Ilang buwan rin akong nagpaka-aloof at nagpaka-loner dahil feeling ko, inferior ako sa mga estudyanteng ito. Ilang linggo rin akong nailag sa aking workshop facilitator na si Glenn. Palibhasa'y isang dalubhasang writer kaya ineexpect kong papatayin niya ang essay kong pagka-haba haba.

Ngunit... matapos ang lahat ng misconception, matapos ang pakikisama at respetong binigay ng mga kaklase ko sa dalawang subject. Matapos kong matanggap na hindi pala feeling superior ang mga isko at iska... at talagang well opinionated lang sila at bibo sa mga class discussions. At matapos akong sabihan ng aking workshop facilitator ng "good job for an essay well done." Saka ko narealize na ako'y isang estudyante ng UP pala. Balewala ang lahat ng barriers na ipinalibot ko sa aking sarili, dahil sa pakiramdam kong ako'y isang outsider at guest student mula Espana. All the time, paniwala kong magsisimula pa lang ang aking buhay sakaling makapasok ako sa Master's proper. Pero sa lahat ng naranasan ko - maging ito ma'y conscious effort o pretending to be not affected lang,

Ang aking buhay iskool ay makulay na, day one pa lang.

Sayang nga lang... sapagkat noong ako'y namulat sa katotohanang ito. Three meetings na lang, tapos na ang semester.

Nyeta... ganun lang pala kabilis ang lahat.

---

I can't stop wanting you
It's useless to say
So I'll just live my life
of dreams of yesterday

- Ray Charles, I Can't Stop Loving You

No comments: