Wednesday, July 25, 2007

Credit Card

Nung una akong nakakita ng Credit Card, nasa wallet ito ng aking dad. Naalala ko pa nga siya eh, may nakalagay na salitang "executive" at ito ay kulay ginto. Noong mga panahong iyon, mayaman pa si dad. May estado siya sa buhay at kahit anong gustuhin niyang bagay, madali niya itong nabibili. Sa akin naman, wala akong pakielam sa mga cards noon - kahit sabihin mang ito'y status symbol ng isang gumagamit. Basta ang sa akin, may ATM Card ako't nakukuhaan ko ito ng pera sa oras na kinailangan ko, masaya na ako.

Dumating ang panahon na naghirap kami. Namatay ang dad ko, twenty thousand lang ang pera ko sa bangko. Ni pamburol o pampalibing ay wala kaming maibayad. Kung ako nga ang nasunod noon, tiyak, babagsak ang dad ko sa isang public cemetery - isang unfitting reminder kung gaano bumagsak ang estado niya sa buhay.

Nakatawid lamang kami noon sa tulong na rin ng mga naawang kaibigan na naging mataas ang pagtingin sa dad ko.

Simula noon, naging pangarap na lang ang Credit Card para sa akin. Sa tingin ko noong una, isa lamang itong paraan para mapagastos ako't mabaon sa utang. Marami-rami rin ang nag-discourage sa aking kumuha dahil na rin sa experience nila sa pagkakaroon nito. Ang sa akin naman, walang masama ng may extra kang mapapagkuhaan ng pera - in case of emergency. Kung marunong ka bang mag-manage ng gastos, hindi problema sa iyo ang paghahawak ng isang card.

Hindi nagtagal, pinadalhan ako ng Metrobank ng kanilang Credit Card. Ito daw ay reward sa pagiging masinop kong mag-tago ng pera sa kanilang bangko.

---

Mabilis ang mga naging pagbabago simula ng ako'y nagkaroon ng Credit Card. Una sa lahat, nagkaroon ako ng kaunting prestige at self-delusions na may kaya ako sa buhay kahit sa totoo'y naghihikahos kami. Hindi man ako gumastos ng malaki, sineseryoso pa rin ako ng mga sales attendants sa tuwing nababanggit kong "Can I pay it on credit?" Kahit mukhang gusgusin akong pumapasok sa boutique ng Adidas o kaya naman People Are People.

Natatandaan ko pa ang unang nabili kong bagay gamit ang Credit Card. Ito ay isang Phillips DVD player na trip ko lang ibigay sa aking nanay noong minsang makita ko siyang depressed. Tutal, staggered naman ang bayad kaya hindi ito masakit sa bulsa. Isa pa, naiisip ko noong time na yun na panahon na upang i-spoil ko naman ang aking ermats. Siya na nga lang ang natitira sa amin (bukod sa aking kapatid) at deserve naman niyang makaranas ng kaunting kaginhawaan sa buhay na matagal niyang dineprive dahil sa amin.

Lumipas pa ang mga panahon at ang nag-iisa kong Credit Card ay nanganak ng dalawa. Ito ring mga Credit Card na ito ang lagi kong ginamit sa tuwing tinatamad akong maglabas ng pera kapag namimili. Dahil sa mga cards na ito, nakabili ako ng mp3 player para sa akin at sa utol ko, microwave oven para sa nanay ko, isang orig na Clinique Happy para kay Phanks (noong pasko), at katakot takot na groceries, dinner dates sa isang mamahaling restaurant (para sa aking nanay) at kung ano ano pa.

Hindi ko namamalayan, dalawang taon na pala ang lumipas simula noong nag issue sa akin ng card ang Metrobank. Noong isang linggo, may dumating na naman na bagong card mula sa kanila at iyon ay aking dinedma lang noong una. Akala ko kasi, bagong Credit Card na naman ito at sa dami ng binabalanse kong bayarin, tingin ko ay hindi ko na kaya sumalo pa ng isa.

Magastos rin kasi ang magkaroon ng Credit Card.

Kaya't tumawag ako kaninang tanghali sa kanilang call center upang ipa-deactivate ang card na ito. Mabuti na lamang at habang binabasa ko ang numero sa aking kausap, narealize ko na ito rin ang numero na nakasulat sa aking lumang Credit Card. Nang pinagkumpara ko silang dalawa, saka ko nalaman na mag-eexpire na pala ang aking luma sa susunod na buwan. Ito ang Credit Card na kapalit ng unang na-issue sa akin ng aking bangko.

Sa madaling salita, pina-activate ko ang bago at pina-deactivate ko na ang luma. Mahigpit na ipinagbilin sa akin na kailangan kong gupitin ang luma upang huwag na itong magamit ng iba.

Ngunit, iba ang nasa isip ko matapos kong ibaba ang telepono.

Habang pinagmamasdan ang lumang credit card sa harap ng salamin, muling sumagi sa aking ala-ala ang naging paglalakbay ko upang makamit ang pangarap kong magkaroon ng ganito. Naalala ko rin ang lahat ng mga nabili ko, ang mga panahong ginamit ko ito bilang status symbol, at higit sa lahat, naalala ko na may isang panahon sa buhay ko na

ang magkaroon ng ganito ay isang malayong pangarap lamang.

Kaya't labag man sa paalala ng call center agent, mukhang papairalin ko ang aking pagiging sentimental at sa halip na gupitin ito ay itatago ko ang lumang card sa aking baul ng mga ala-ala.

Para kahit anuman ang mangyari, lagi kong matatandaan na minsan, ang Credit Card ay naging isang hangarin natupad ko.


Hindi ko man alam ang magiging takbo ng aking buhay sa hinaharap, ngunit, masaya na ako na kahit paano, naranasan ko at least mamutawi sa aking bibig ang mga katagang ito:

"Can I use my card for that?"

Sapat na sigurong material achievement iyon sa buhay ninuman.

No comments: