Sunday, January 6, 2008

Ledge

Matagal-tagal ko na ring ginagawa ang umakyat sa ledge tuwing ako'y napapag-isang sumayaw.

Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa. Ang hinala ko, ang habit ay nagsimula noong aliw pa kami ni Roy na manood ng mga Cayote Dancers sa Sibil dati. Maari ring dahilan ay hindi ko pa napapatawad ang sarili ko nang ako'y magkalat sa harap ng aking mga tropa noong pinilit nila akong pasayawin ng Breathe ni Prodigy sa isang inuman sampung taon na ang nakakaraan. Aaminin ko, nagkalat talaga ako noon. Sa tuwing naalala ko kung paano ako nagpatalon-talon sa kanilang harapan habang kinakampay ang aking mga kamay, lalo lamang itong nagpapatindi ng aking determinasyon na igiling pa ang katawan sa tuwing magsasayaw ako sa bar ngayon.

Sa totoo, astig sumayaw sa tuntungan habang pinapanood ka ng maraming tao. Naalala ko tuloy noon, sumisigaw kami ng "Take it off!!" sa oras na umaakyat na yung mga tsiks para mag ledge dancing sa harap namin. Doon ko marahil nadiskubre ang pagiging-exhibitionist ko. Kung maganda nga lang talaga ang katawan ko, hindi ako magdadalawang isip na magtake-off ng shirt habang pinapanood ng mga tao.

Marami ang nagsasabing malibog at maangas ako kung sumayaw. Ilang beses na rin akong nanalo ng Best Dancer Award sa Outsiders sa taon-taon naming Christmas Party... kahit na simpleng Ocho-Ocho lang ay hindi ko kayang sayawin sa harap nila. Ilang beses na rin akong naka-iskor ng one night stand dahil sa galing kong makipag-dikitang sayaw sa dance floor. Kung titingnan ko ang aking sarili kung paano magsayaw, para akong naka-ecstasy habang gumigiling sa harap ng maraming tao. Hindi ko alam kung ano ang tingin ng iba.

Ang alam ko, higit na mas nagiging wild ang aking performance kapag merong nagche-cheer sa akin o kaya naman ay nakikipagkiskisan ng katawan habang ako ay nagsasayaw. Good vibes rin sa aking pandinig ang hard house at tribal dahil sa bilis ng beat at ritmo nito.

---

Sa kabila nito, naiisip ko minsan kung ako ba'y mukhang tanga na nasa itaas ng ledge habang ang karamihan naman ay walang pakielam at nakikipagsosyalan sa paligid ko. Don't get me wrong. Mag-isa akong lumalabas at nagclu-clubbing. Malakas ang loob kong pumasok sa joint, kahit na magmukha akong outcast sa piling ng mga ito. Ngunit ang hindi ko makakayang gawin, sa kabila ng lakas ng loob ko ay ang mapag-isa sa ledge. Tama nang kasama ako ng mga makakapal ang mukhang pinili ang entablado bilang kanilang sayawan.

Kagabi, muli akong bumalik ng BED upang sumayaw at magparty buong magdamag. Tutal mag-isa naman ako kaya hindi ko na inisip kung meron bang makakakita sa aking magpakawala ng sarili at umakyat muli ng ledge. Sa saliw ng mga house music na pinapatugtog ng DJ gaya ng First Time ni Maya at Let Me Think About It ni Feddie Le Grand, todo naman ang sayaw ko sa itaas ng entablado. Kulang na lang ay magka-cramps ang binti at torso ko sa pagiling, samantalang ilang beses rin akong muntikan ma-off balance sa tuwing ina-arch ko patalikod ang katawan ko.

Para sa akin, ang pagsasayaw ay isang paraan ng pagbibigay-laya sa aking sarili. Inaamin ko naman na marami pa rin akong repressions na dapat pakawalan paminsan-minsan. Sa mga pagkakataong gaya ng clubbing trips ko, naroon ang opportunity upang ilabas ang mga repressions na ito. Anumang pwersa o lakas ang lumalabas sa bawat pagsasayaw ko, ito'y nakakaluwag sa control na iniimpose ko sa aking sarili.

Pansamantalang nawawala ang pagiging serious at pormal approach ko pagdating sa mga bagay-bagay.

---

Naging matagumpay naman ang party kagabi. Pagkaraan ng mahaba-habang panahon, nagtagpo muli ang landas namin ng isa pang clubber na gaya kong wala ring pakielam kahit na magwala siya sa entablado. Matapos ang tatlong taong pagkikita namin sa BED, kagabi lang kami nagbigayan ng pangalan sa isa't-isa. Medyo may pagka-suplado kasi ang dating ng aura nitong taong ito at sa pakiramdam ko, maaring bigyang kahulugan niya ang pagpapakilala ko bilang diskarte ng panglalandi sa kanya.

Kaya nag-intay ako ng taon bago makipagkilala sa kanya.

Umuwi akong paika-ika dahil na rin sa pagod at sakit ng katawan matapos ang tatlong oras na walang pahingang pagsasayaw sa dancefloor. Sabi ko nga, daig ko pa ang nagwork-out sa gym sa dami ng tabang nalusaw ko sa pagiling lamang sa ledge kagabi. Sa dami rin ng nakakita sa akin - sa mga nang-okray, namangha at nang-dedma; wala lang lahat iyon. Hangga't sa akin ang sayaw at hawak ko ang maliit kong espasyo sa ledge.

Tuloy ang pagpapakawala ng sarili.

Ngunit matapos ang lahat ng pagyayaring iyon.

Bakit ganoon...

Higit yatang bumaba ang self-esteem ko matapos akong magpakita ng di-mapapantayang angas sa harap ng napakaraming tao?

No comments: