Saturday, February 17, 2007

Day-Off (First Part)

Ang batang walang magawa... kung saan- saan gumagala.

- Dominador Labatete III, Filosofo


---

Chinatown, Manila. Jumpack ang buong kalsada dahil sa pinaghahandaang Chinese New Year ng mga tsekwa (tsinoy). Kabi-kabila ang mga naglalako ng Tikoy sa Ongpin, samantalang sa mga maliliit na esquinita naman kung saan matatagpuan ang mga prutas at mga seafoods ay naroon ang mga nagbebenta ng mga palawit na gawa sa hilaw na pinya at bilog citrus para sa mga pintua't tahanan na umano'y pampaswerte sa may ari ng bahay ngayong bagong taon.

---

Upang umiwas sa dagsaang tao, nilakad ko ang kahabaan ng Ongpin papalayo sa San Lazaro Church at Eng Bee Tin patungong Santa Cruz. Habang abala ang mga tao sa pamimili ang ng mga agimat at pampaswerte sa tabi-tabing maliliit na tindahan, na ispatan ko itong Dragon Costume na pinagkakaguluhan ng mga bata. Noong una ay hindi naman sumagi sa isip kong makigulo sa mga nagkukumpulang tsekwa at magpa-picture sa dragong ito. Ngunit dahil na-cutean na rin ako sa costume (habang pinapantasya na may magsasayaw na isang makisig na tsinito sa loob nito sa mga susunod na oras), naisipan ko na ring makisali sa kaguluhan at nanguha na rin ako ng litrato, gamit ang aking phone camera.

Matapos kunan ng litrato ang dragon costume ay nagpatuloy na ako sa aking paglalakad. Sa bawat poste na aking madaraanan ay may mga nakakabit na speakers kung saan nangagaling ang instrumental Chinese music, na tumutugtog at nage-enhance ng Chinese feel sa buong kalye.

Nang marating ko ang kanto ng Ferrer at Ongpin st, tumambad sa akin ang pagkalaki-laking maskot na ito ni Jollibee. Halatang kabubukas lang ng restaurant at may flyers pa sila upang maka-enganyo ng tao pumasok sa loob. Kung hindi lang sana puno ito ng tao, papasukin ko rin ang loob ng Jollibee lalo't pa't Mandarin ang signage nito sa labas at kumakalam na rin ang sikmura ko sa totoo lang. Hindi ko akalain na hanggang sa sulok na ito kung saan ang kulturang Intsik ang siyang namamayani ay narating na rin ni Happy Bubuyog.

---

Mataas pa ang araw nang matapos ako sa aking paglilibot sa Chinatown. Sa kasamaang palad, wala akong nakitang Dragon Dance gaya ng sinasabi sa aking mobile news ticker na si Mr. Ube. Wala rin akong nakitang mga Buddhist Monks na naglalakad sa daan at nagbibigay ng blessings sa mga tao sa kalye gaya ng inaasahan ko.

Matapos kumain sa Delicious - isang noodle house sa Sta. Cruz na ang specialty ay Miki Bihon Guisado, naglakad akong muli pabalik ng Ongpin patungo sa Escolta upang abangan ang pagbubukas ng istasyon ng ferry kung saan makakapaglakbay ako mula Escolta patungong Guadalupe sakay ng isang maliit na sasakyang pang-ilog na maglalayag sa Ilog Pasig.

Isang dekada na rin ang lumipas mula ng huli akong naglayag sa ilog na ito sakay ng Metro Ferry mula PUP hanggang Hulo sa Mandaluyong.

---

-itutuloy-

No comments: