Magdadapit hapon ng masilayan ko ang iyong mukha. Isang tingin ko pa lang, malakas na and dating mo sa mga taong makakapansin sayo.
Totoo nga ang sabi mong may lahi kang Latino. Sa kulay pa lang ng iyong balat, sa korte ng iyong ilong, sa ganda ng iyong mga bata, at sa kisig ng iyong katawan, tiyak lahat ng makikilala mo ay magnanasa sa iyo.
Sa kwento mo pa lang, tila pati mga babae, gustong magpalahi sa iyo.
---
Gaya ng bungad mo, nakipagkita ka upang maglabas ng loob dahil sa iyong jowang walang inatupag kundi awayin ka. Noong una, awang-awa pa ako sayo habang kumakain ka ng Chicken Rice with Teriyaki Sauce sa Teriyaki Boy. Pakiramdam ko, sa gandang lalaki mong yan, ikaw pa ang nagtitiis at nagpapasensya sa asawa mong walang pakiealam sa iyo.
At sa tuwing ika'y ngingiti, kulang na lang, tawagan ko ang aking kaibigang si Julius at tumili sa phone at mang-inggit dahil naka-jackpot ako at nasilayan kita. Kulang na lang, gayahin ko ang iyong probinsyano accent na talaga namang turn-on para sa kaibigan kong iyon...
Kulang na lang, higitin ko ang kanyang pagkahaba-habang buhok at kaladkarin siya mula Fairview, para sabay namin ikaw pagmamasdan, habang nagkukurutan kami ng mga singit kakakilig dahil sa iyo.
Kaya hindi na ako nagtataka, sa buong panahong nasa harap kita... kabi-kabila ang text message ng mga masugid mong mga fans.
---
Masarap ka sanang kakwentuhan. Pagmasdan ka pa lang ngumiti, busog na ang mga mata ko. Ngunit sa paglipat natin ng lugar sa may Podium, unti-unting nagbago ang pagkakakilala ko sayo.
Makailang beses, inalok ka ng pagkain ng ating host. Habang patindi ng patindi ang aking pagtanggi sa kanya dahil sa hiya, ikaw naman ang tuwang-tuwa sa pag-aalok sayo. Sa impression ko pa lang na iyon, alam ko na, hindi tayo magkakasundo.
At nang magkwento kang muli tungkol sa iyong buhay. Iba na ang sinasabi ng iyong salita. Ngayon, malinaw na sa akin kung ano ang buhay PLU na meron ka.
Dala na rin ng iyong kaakit akit na itsura, sa tingin ko, ito'y iyong ginagamit upang magpatalon-talon sa piling ng iba't ibang lalaki. Nanggaling na rin sa iyong bibig na marami kang kalaguyo, at ang iba sa kanila... ay siya pang sumusustento sayo. Kaya pala, kahit na relatibong mas mataas ang antas ng trabaho ko sayo, higit kang mas nakakagastos kesa kaya ng sarili kong sweldo.
Unti unti, natatalupan ang iyong payak at simpleng pagkatao ng isang personalidad... na sa tanang buhay ko ay hindi ko papangarapin magkaroon. Ang iyong mga nakaraan sa sinehan, sa mga madidilim na sulok, sa piling ng iba't ibang lalaki; ang iyong buhay, ay sadyang sobrang gulo at dilim upang maintindihan ng isang katulad ko.
---
Sa ating paghihiwalay, binigyan mo ako ng isang malaking aral... bago pa man ako makatagpo ng isang katulad mo.
Buti na lang at eyeball ka ng iba, kung hindi, baka sa takot ko sayo, hindi ko na pinatagal ang ating pagkikita.
Marahil, isang bahagi pa lang ng buhay mo ang aking narinig ngayong hapon. Baka sakaling sa kabila ng lahat ng iyon, may bahagi pa rin ng iyong buhay ang higit na kaaya-aya kesa sa aking narinig ngayon.
Hindi ko alam kung sa muling pagkakataon ay palarin pa tayong magkita. Nasa iyong eyeball na yun, kung sa muling pagkakataon ay isasama ka pa niya sa lakad naming dalawa. Pero sa ating pamamaalam, malinaw na sa akin na gaano man kalakas ang iyong dating, gaano ko man pangarapin na pagmasdan habangbuhay ang iyong mga mata, ang iyong mga nakakatunaw na ngiti, at pagpantasyahan ang hubog ng iyong katawan,
lagi kong pangingilagan ang iyong pagkatao.
Sapagkat alam ko... anuman ang depensang itapat ko sayo, at sa mga lalaking kagaya mo.
Isang hakbang mo lang palapit sa akin,
ibabagsak mo ako.
No comments:
Post a Comment