Wednesday, March 29, 2006

Rise Of The Federation

"Sino sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayo tayo
lamang."
Ito ang bigla na lang dumulas sa aking bibig nang humiram sa akin ng tinidor ang ka-trabaho kong tukling, samantalang hiniram naman ng isa ko pang ka-trabahong bading ang aking kutsara upang paghatian ang Spaghetti na baon ng isa kaninang umaga sa opisina.
Ilang buwan na rin simula ng dumagdag sila sa aming lumalaking pamilya. Palibhasa'y number one magnet ng mga bading itong si Mami Athena kaya naman overnight nagiging close sa kanya ang mga bagong salta. At dahil tinagurian naman akong anak-anakan ni Mami, lagi niyang intro sa kanila na ako raw ay isang kapatid - na in gayspeak eh ibig sabihin eh kapwa bading rin.
---
Kung tutuusin, di hamak na mas effeminate silang dalawa kumpara sa akin. Pero sa kanila ko natutunan na hindi porke't effeminate eh walang karir sa buhay. Sa kwento nga nila, mukhang mas matindi pa ang aksyon na pinasukan nila kumpara sa pinagsama-samang aksyon na napasukan ko nung ako'y nagwawala pa.
Pareho silang mas matanda sa akin ng isang taon. Ang isa ay master ng mga paservice sa kanto-kanto at construction site. Samantalang ang isa naman ay laman ng sinehan tuwing sasapit ang kalibugan ng buwan. Ang isa ay pumoporma sa mga foreigners na kapag nagustuhan siya ay binibigyan siya ng pera. Ang isa naman ay kinakarir ang isa pa naming ka-officemate na pinaghihinalaan naming bading.
Ganito kasimple ang ikot ng buhay naming tatlo. Dahil rin naman laman ako ng G4M araw- araw eh dumating rin ang panahong ako na mismo ang nakaimpluwensya sa kanilang gumawa ng sariling account - gaya ng impluwensyang nagawa ko sa isa kong katropang PLU na nasa panghapon.
Minsan nga, iniisip ko dapat magtayo na kami ng LBGT at Fag Hags Club sa opisina. Sa dami ba naman ng alternative ang lifestyle lalo na sa morning shift, baka lumabas pa ata na 1/4 ng mga tao sa umaga eh kabilang sa grupong ito.
---
Nakakatuwang isipin na ilang taon lang ang nakakaraan, hinding hindi mangyayari ang coexistence na ganito.
Paano ba naman, nagsimula akong mamuhay sa ganitong preference kasama ng mga PLU na pilit dinidistansya ang sarili nila sa mga stereotype. Alam mo na, yung mga kadalasang pinagtatawanan at kinukutya sa TV.
Siguro sa pagdaan na lang ng panahon ay narealize kong walang kwenta rin namang lumayo at mang-discriminate sapagkat pareho-pareho rin lang naman kami ng tawag ng laman. Ang pagkakaiba nga lang ng effem sa masculine eh ang paraan at diskarte ng kanilang pagporma.
Besides, sa tinagal tagal mo rin sa ganitong pamumuhay, imposibleng hindi ka maimpluwensyahan ng mainstream. Ang pare pare mo sa simula ay mahahaluan ng Ate at Lola. Ang salitang chorva at nagmamaganda ay unti unting papasok sa iyong bokabularyong bakla.
Gaano ka man mukhang sanggano sa harap ng mga normal na tao.
Gaya nga ng sabi ni Badinggerzie sa una niyang entry,

"naglolokohan lang naman talaga ang mga badinggerzie dahil
lahat ng utaw doonchie e mga halamang-dagat talaga . . . . . . malangsa . . . .
. . . pula ang hasang."

Ganun lang naman ang buhay. Nag-iimbento ka pa ng maraming salita maiwasan lang matawag kang gay para tumaas ang value mo pagdating sa paglandi sa kapwa mo lalaki - na nag-iimbento rin ng salita para sa kanilang pangsariling karnal na pangangailangan.
---
Kanina habang kumakain sila ng Spaghetti sa tabi ko, narealize ko na lang bigla na malalim-lalim na rin pala ang pinagsamahan naming tatlo sa morning shift - magkakaiba man ang mundong nirararampahan namin.
Sa maliit naming samahan, at least kahit paano nagiging example kami sa lahat ng sangkabadingan na maaring maging open sa isa't isa ang effem at masculine; Na kahit paano, sa ngalan ng pagkakaibigan, maaring mawala and diskriminasyon na patuloy pa ring naghahari sa mundo ng mga PLU.
Tuloy, nang mabanggit ko ang mga katagang sinulat ko sa taas, biglang sumagi sa isip ko ang kwento ni Wanda tungkol sa experience niya sa Camp Crame habang nakapiit ang higit sa otsentang bading na nahuling gumagawa ng kababalaghan sa dark room ng Red Banana.

"...may i gib lab ng mga relief goods sa mga nasalantang kapatid. sineklavich pa ba ang magtutulungan kundi tayez din na mga bek bek."

Translation: nagbigay sila ng full support sa mga nahuling bading. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo tayo ring mga bading.

No comments: