Natatandaan ko pa noong ako'y nasa kolehiyo, bukod sa mga tropa, pulitika ang inaatupag ko matapos ang klase. First year ako noon, dahil siguro likas akong ma-pr sa classroom ay na elect akong maging class president. Ngunit dahil sa takot sa responsibilidad na hahawakan ko, umatras ako sa nomination. Sa huli, hindi pa rin nagpaawat ang mga kaklase ko. Hindi nga ako naging class president, na-elect naman akong treasurer. At dahil parehong walang pakielam sa labas ng classrom ang class president namin na rich girl at vice president naming model-modelan, bilang treasurer ako rin ang tumayong VP external ng klase.
---
Noong simula, akala ko simpleng nagpapatawag lang ng mga meeting ang student council upang i-update kaming mga class heads ukol sa kanilang mga proyekto. Sa loob ng conference room, iba't ibang klase ng leaders ang makikita mo. Mayroong mga intelektwal ang dating na ang ayos ayos ng uniform at ang laki laki ng salamin sa mata, meron namang mga pa-demure na pa-dignified na ewan, yun bang akala mo ay wala kalokohang ginagawa sa labas ng klase. Shempre naroon yung mga pa-bibo. Sila yung tipo bang hindi na kinakausap ay wala pa ring tigil sa pag-extra sa mga usapan. Yung isa ngang meeting namin, kaya inabot ng dalawang oras ay dahil sa pagbu-but in ng isa mga pa-bibong class presidents na ito.
Ako naman ay yung tipong pasimple lang. Palibhasa ay ginaganap ang meeting tuwing tanghali at ang klase namin ay nagsisimula tuwing hapon kaya hayun, tuloy, parang napaka-alien sa akin ng environment ko. Sanay kasi kaming palubog na ang araw sa tuwing magsisimula ang klase namin.
Anyway, kalagitnaan ng first semester noon nang biglang may isang grupo ng mga estudyante ang lumusob sa classroom namin at biglang nag-teach tungkol sa Magna Carta daw na isinusulong ng student council. Since panghapon nga kami at napakalayo ng impluwensiya ng student council sa aming mga buhay kaya yung mga kaklase ko, todo kinig lang kahit hindi nila alam kung ano ang sinasabi ng mga estudyante na nagsasalita sa harap namin. Ang natatandaan ko lang na sinabi nila, kilala nila ang mga professor namin at matutulungan nila kami upang maipasa ang mga exams na haharapin namin.
Sabi rin nila, sila daw ay tumutuligsa sa pamamalakad ng student council na dominated ng isang political party lang. Ako naman, bilang freshman ay madaling ring nauto ng grupo. Palibhasa ay founder nila ang isa sa mga professor namin na notoryus sa pagbabagsak ng estudyante kaya ako naman, narinig ko lang na may "capabilities to become a leader" daw ako kaya hayun, unti unti akong na-involve sa grupo nila.
Sa kabilang banda, bilang "treasurer-external" ng klase, kailangan ko ring magreport sa student council tuwing tanghali upang maging updated sa kanilang mga school activities. Sa mga panahong ito ay wala pa akong commitment makigulo sa student-party politics na siyang nangingibabaw sa kolehiyo ko. Ang sa akin lang, masaya na akong may tropa at may tsik na ginagawang inspirasyon sa buhay. Solb solb na rin ako kasi ang mga grades na nakuha ko noong first semester ay way beyond sa aking expectations.
Mukha ngang tinulungan nila kami behind our backs.
At dahil siguro medyo naging receptive kami sa partido nila na ang founder ay isa sa mga professor namin na mahilig mag-singko ng estudyante, himalang sobrang kaunti lang ang bumagsak sa aming class kumpara sa ibang mga section na hinahawakan nitong professor na ito. Hinala ko, nabulungan ito ng mga miyembro noong grupong madalas tumambay sa aming section. Tutal naman daw, since kami lang ang solid sa kanila sa lahat ng first year, might as well give us a consideration daw. Yun ang tingin kong mga pangyayari habang ginagawa ang aming grade.
Anyway, back to the student council. Mayroon akong naging close na council officer na medyo nagkaroon ng sympathy sa section kong isa sa dalawang late-afternoon class ng mga first year. Ngunit dahil solid na sa kanila ang buong morning section at medyo may degree of control na rin sila sa mga middle afternoon class eh parang latak na lang kami sa kanilang tingin. Ilang beses kong tinanong sa kanya ang tungkol sa tagisan ng mga political parties sa college namin ngunit hindi naman niya sa aking sinasabi ang totoo. Basta daw, wag kong pakikinggan ang mga sinasabi ng kumokontra sa kanila.
Kapag naiisip ko kung paano kami iniwan ng student council sa ere, naiintindihan ko na kung bakit naging solid kami sa kalaban nila. Mas mabuti pa nga yung makukulit na grupo ng estudyante na tumatambay sa amin tuwing hapon upang mamulitika, at least sila, pinapalagay nila ang loob naming mga freshmen kahit wala kaming commitment na sumali sa kanilang ipinaglalaban. Para sa amin, sapat nang nandoon sila upang tumayong kuya at ate namin habang nag-aadjust kami sa bagong mundo naming ginagalawan.
---
Natapos ang pasko at bagong taon. Dumating ang balitang isang buwan na lang ay student council elections na. Sa awa ng Diyos ay marami-rami ring narecruit sa klase namin ang partidong dalawang semester na kami nililigawan. Nakailang basted na ako ng mga tsiks na niligawan ko pero handun pa rin sila, walang sawang bumabakod sa amin. Tingin ko nga ngayon, kaya siguro hindi ako nirecruit ng student council upang maging assistant nila ay dahil alam nilang hawak na ng kalaban ang section na pinanggalingan ko.
Pero noong mga panahong iyon, walang akong idea na ganun pala ang nangyayari sa likod namin.
Isang linggo bago ang campaign. Naramdaman ko ang pressure na hinaharap ng mga "ate't kuya" namin na nakasanayan na rin naming dumaraan sa tuwing wala kaming subjects nang dumalang ang pagbisita nila sa amin. Naging busy rin ang kanilang mga recruits dahil bihira na namin ito makausap sa loob ng class. Ang alam ko, walang pwersahan sa pagjoin sa kanila. Ang mga recruits nila - na karamihan ay yung mga outcast sa class namin alam kung ano ang pinasok nila.
Dala na rin siguro ng pakisama at gratitude sa isang taong pagbisita nila sa aming classroom, isang tanghali, nagpakita ako sa headquarters nila habang abala ang kanilang mga kandidato sa eleksyon sa pagmememorize ng mga speeches nila.
Noong araw ring iyon, nagpareorient ako sa isa sa mga members nila tungkol sa political party. Ang flyers na isang taon kong tinatapon sa tuwing umaalis na sila galing sa aming classroom ay for the first time, tinago ko sa aking bulsa. At ang kanilang pinagmamalaking red and blue ribbon na ilang beses na nilang sinuot sa amin habang namumulitika, noong araw ring iyon ay sinuot ko rin. Sa dami ng nagawa nilang pakisama at assurance sa amin, nagpasya rin akong tumulong sa eleksyon nila.
Simula noong hapong iyon, ang aking fate sa AB sa loob ng apat na taon ay naging selyado na.
No comments:
Post a Comment