Wednesday, May 30, 2007

Kwentong Aso't Pusa

Habang naglalakad ako papauwi ng bahay noon Lunes, isang matining na iyak ng kuting ang nagpahinto sa akin ng paglakad.

Sa isang puno malapit sa compound kung saan ako nakatira, natagpuan ko ang isang kulay gray-striped na kuting na sadyang iniwan doon. "Sino kaya yung siraulong nagligaw nito dito?" tanong ko sa aking sarili.

Kung titingnan, malinis naman yung kuting - ito ay walang muta, pulgas o anumang galis sa kanyang balat. Marahil mga one-month pa lang ito mula noong pinanganak. Dahil matagal na akong naghahanap ng pusang ma-aalalagaan, kaagad ko itong kinuha at sinakbit sa aking bag. Dedma na kung ano ang isipin ng mga taong, sa mga oras na yun ay nakakapansin na sa aking ginagawa.

Pagdating sa bahay, agad kong inutusan ang kasambahay na maghanap ng karton na magiging pansamantalang tahanan ng bagong kuting. Lagi kasing issue sa amin na kapag nag-alaga kami ng pusa ay magiging problema lang namin ang pagtae nito.

Wala pang isang minuto ng dalhin ko ang kuting sa bahay ay kaagad na itong pinagkaguluhan ng aming aso. Palibhasa'y sinanay namin si Tootsie na maging mabait sa kuting kaya naman ngayon, lahat ng kuting na hindi natatakot sa kanya ay kaagad niyang inaampon bilang anak. Noong una, ramdam pa sa bagong dating (na pusa) ang takot habang inaamoy amoy siya ng aso. Ngunit nang ang aso ay nagsimula ng dumila-dila at linis-linisin ang pwet ng pusa (sa hindi namin malamang dahilan), nagkasundo rin sila nito wala pa ang isang oras.

Mahigpit kong ipinagbilin sa bahay na kahit ano man ang mangyari, walang magpapalabas sa bagong kuting. Nadala na kasi ako noong nasagasaan yung dapat na aampunin naming kuting na si Krystala. Nabadtrip rin kami nang minsang nilabas yung kuting na bagong ampon ng aming aso ngunit ito ay hindi na bumalik (noong una ay pinaghinalaan pa naming kinain ito ng aso.)

Ngunit ang kuting na ampon ko ay sadyang eskandalosa. Anuman ang gawin namin, ito'y hindi tumitigil sa pag-iyak at maaring sa paghahanap nito sa kanyang nanay-pusa. Ang mga iyak na iyon ang siyang nagpalabas sa pusang-bantay namin na si Bakekang (ang nanay ni Krystala), na bagong panganak rin lang noong isang buwan. Sa kasamaang palad, nabadtrip dito ang aming kapitbahay at ang kabayaran nito ay pagliligaw sa kanyang mag-iina sa kabilang dako ng highway.


Isang umaga, natagpuan na lang ng kapitbahay (na siya ring nagligaw sa mag-iinang pusa) na muling nakatambay itong si Bakekang sa tabi ng kanilang pintuan - kahit niligaw pa nila ito sa malayo. Dahil dito ay napag-pasyahang hayaan na lang ang pusa tutal, nakakaawa rin naman ang lagay nito.

Anyway balik sa kwento, ang pag-iyak ng kuting ang siyang umakit dito kay Bakekang upang imbestigahan ang nangyayaring kaguluhan. Sa pag-aasam ko na baka magkasundo ang dalawa, ibinaba ko ang umiiyak na kuting sa papalapit na pusa. Kaunting amuyan, ang kuting ay hindi pumalag. Palibhasa'y uhaw sa pag-aaruga ng anak itong si Bakekang kaya't walang niha-niho, kinagat niya ang kuting sa leeg at iika-ikang itinakbo sa ilalim ng sasakyan ng kapitbahay.

Malaman-laman namin makaraan ang sampung minuto, inampon na pala ni Bakekang ang kuting na dinala ko.

Sa ngayon, hinahayaan naming pumasok ng bahay si Bakekang upang magpasuso nung bago naming kuting. Kasabay nito, madalas rin namin nilalapit ang kuting sa aso sapagkat hindi lamang niya ito dinidilaan ang balahibo, kundi pati dumi nito ay siya rin ang naglilinis.

At ang kuting na dinala ko?

Hayun, wala pa ring pangalan at pagkaraan ng ilang araw ay naging spoiled brat na. Paano dalawa kasi ang ina.

Hindi ko man alam kung ano ang maaring kahinatnan nitong kwentong ito, ngunit sa unang pagkakataon, napatunayan ko sa aking sarili na ang isang inahin na nawalan ng inakay - maging ito man ay isang hayop, ay may kakayahang mag-ampon at magmahal ng isang inakay, hindi man niya ito tunay na anak.

No comments: