Friday, May 18, 2007

Faith, Hope, Love (Act Four)

Echoes From The Hearth

Minsan sa aking kabataan, naranasan ko rin makapaglaro ng Nintendo Family Computer, Sega at Super-NES. Hindi naging kaiba sa akin si Super Mario at ang kanyang kagila-gilalas na paglalakbay mula World I hanggang World 8 sa Super Mario 3 upang iligtas si Princess Toadstool kay Koopa. Nasubukan kong gamitin ang codes na up, up, down, down, left, right, left, right B - A upang maging bionic yung mga sundalo sa Contra at marating mo yung final boss na alien pala ng hindi namamatay. Nahilo rin ako kakahabol sa bughaw na bola na si Sonic the Hedgehog dahil tuwing umaga, sa halip na pagkain ang pagtuunan namin ng pansin eh, pagkuha ng mga rings ang pinagkakaabalahan namin ng pinsan ko sa harap ng TV.

Hindi pa natatapos ang lahat doon...

Minsan rin sa aking kabataan, natutunan kong maglangoy sa swimming pool dahil pinag-aral ako ng aking ninang kasabay ng kanyang anak (na aking pinsan). Natuto rin akong mag-tennis (at nakalibre pa ako ng mamahaling raketa) dahil sinabay rin ako ng aking ninang noong nag-aral ng tennis ang kanyang anak sa La Salle. Sa murang edad ko na sampung taon, nakahawak at nakagamit na ako ng educational software sa computer sapagkat nang nag-aral ang aking pinsan ng Basic Computer Learning, pati ako sinali. Tanda ko pa noon, mahigpit ang rules na huwag hahawakan yung exposed na film sa tiyan ng malapad na floppy diskette dahil masisira ito. Noong mga panahong ring iyon, nakaka-hypnotize pa yung pag bukas-patay ng ilaw sa floppy drive upang malaman kung nagbabasa ba ang computer mo o hindi.

Ito ang ilan sa mga bagay na kusa na lang bumalik sa aking alaala habang mataimtim kong pinagmamasdan ang kwarto ng pinsan ko. Ang computer technician naman na abala sa kanyang pagrereformat ng computer ng aking ninang ay walang kamuwang-muwang sa reminiscing na aking ginagawa. Ang bawat bagay na aking makita ay tila may mga kwentong maari nitong ibahagi: Sa tabi ng bintana ay nakakalat ang Nintendo 64 ng aking pinsan. Hindi ko man ito nalaro, ngunit alam kong ito ang evolution noong Family Computer na hindi ko tinantanan noon. Sa tabi naman nito ay ang lumang Super NES na nababalutan ng makapal na alikabok. Isang beses, nilagnat ako sa bisperas ng paglalayag namin patungong Corregidor. Sa halip na iuwi ako sa aking bahay para makapagpahinga, hinayaan lang akong maglaro ng computer noong kinagabihan. Pagdating ng umaga, wala na ang lagnat ko.

Sa ibabaw naman ng bookcase na puno ng makakapal na libro sa medisina ay nakadisplay ang mga Lego, na noong kabataan namin ay mahigpit pang inihahabilin na huwag ikakalat sapagkat baka malunon ng mga bata kong pinsan ang mga maliliit na bahagi nito. Ngayon ay isa na siyang eroplano at sa pagkakalagay niya sa kanyang pwesto, halatang dekada na ang binibilang mula ng huling ginalaw ito.

Ang katahimikan ng paligid ay nakakapanindig balahibo. Palibhasa'y malayo sa kabihasnan at nasa sentro ng isang malaking subdivision sa Paranaque ang bahay ng ninang ko, kaya naman tanging tahol lang ng mga aso at panaka-nakang talakan ng mga katulong sa labas ng bahay ang maririnig mo.

Ang ninang ko, na nagpasyang lumipat ng kwarto upang huwag kami maabala sa pagrereformat ay kasalukuyang natutulog.

Sa mga oras na iyon, tanging ang alingawngaw ng aming kabataan ang siyang bumibingi sa akin. Minsan lang kami naging mga bata, at sa mga sandaling napapaalala sa akin kung gaano kabilis ang panahon, tanging mga buntung-hininga lamang ang siyang nagbibigay lakas sa akin, upang huwag masyadong manghinayang sa mga pagsasamahang nasayang.

Ngayong kaming magpipinsan ay may mga kanya-kanya nang buhay, tila ang bahay na iyon, na naging tahanan ko at ng iba ko pang mga pinsan sa loob ng maraming taon ay parang isang inabandonang ina - na tanging alaala lang ng mga panahong nagdaan ang nagpapasaya.

Ilang sandali pa, tuluyan na kaming magkakaroon ng sari-sariling pamilya. Maaring sa mga panahong iyon, kahit mismo ang mga masasayang alaala ng aming kabataan at matibay na pagsasamahan ng aming mga nanay ay makalimutan na namin.

Kaya bago ko pa makalimutan lumingon at magbigay-pugay sa aking pinanggalingan, inunahan ko na ang tadhana at ako na mismo ang nagparamdam ng aking pasasalamat - hindi lamang sa bahay, kundi sa may-ari nito.

---

Ninang: Magkano ba ang magagastos sa pagpareformat?

Joms: Mura lang po, mga P500 lang po.

Ninang: Ganun ba? Sandali kukuha lang ako ng P500 sa bag ko...

Joms: Huwag na po, ako na ang bahala.

Ninang: Sigurado ka?

Joms: Opo, huwag na kayong mag-alala Ninang.

Ninang: (Smiling), Bah may pera na ang pamangkin ko.


---

Mahigit isang dekada siyang nag-invest sa akin, kahit ako lamang ay kanyang pamangkin at inaanak. Marapat naman na ngayong ako'y nakakatayo na sa pamamagitan ng aking pera, siya naman ang mag-enjoy sa mga ipinaramdam at ipinaranas niya sa akin.

Sapagkat kung hindi dahil sa kanyang malawak na impluwensya sa aking buhay, hindi ako ganito kalawak mag-isip ngayon.

No comments: