Saturday, December 22, 2007

Kalayaan

Alas-onse ng gabi.

Habang nakatayo sa tabi ng kalsada isang kanto mula sa Timog Avenue , nagkaroon kami ng mainit na komprontasyon ng straight kong barkada.

Ako: Gaano mo ako kakilala ‘tol?

Barkada: Kilala in what sense? What do you mean?

Ang aming pag-uusap ay nabalutan ng katahimikan matapos ko siyang tanungin tungkol sa aking pagkatao. Hindi ko sigurado kung itutuloy ang aking mga sasabihin.

Ako: Teka lang. Bili akong yosi.

Sinundan niya ako hanggang sa makatawid ng kalsada. Maaring gusto niya talagang malaman kung ano ang sasabihin ko. Habang nagyoyosi, patuloy na nananaig sa aming dalawa ang katahimikan. Sa pagdaan ng mga sasakyan sa harap namin at sa bawat paghihithit-buga ko ng sigarilyo ay naglalaban sa aking diwa ang desisyon kung aaminin ko ba sa kanya o hindi ang nalalabi at pinakatatago kong sikreto sa aming barkada. Ang pag-amin ko ay maaring mag-resulta sa paglaglag nila sa akin ere. Maari rin itong maging daan upang buo at walang pag-aalinlangan kong matanggap ang aking pagiging bading.

Ilang segundong katahimikan pa ang aking pinadaan. Sa loob-loob ko, patuloy kong pinag-iisipan kung tama ba ang aking gagawin o ito’y isang malaking pagkakamali. Naroon kasi ang takot na maaring hindi nila ako tanggapin. Naroon rin kasi ang posibilidad na hindi pa sila handang malaman ang katotohanan tungkol sa tunay kong pagkatao.

Sa anim na taong pagiging bading ko, naniwala akong hindi normal para sa isang katulad ko ang malayang makisama sa grupo na ang kinabibilangan ay puro mga straight na lalaki. Birds of the same feathers flock together, ang kasabihan nga sa ingles. Sa loob ng mahabang panahon, nanatili akong tago sa mga barkada ko, samantalang unti-unting namang dumarami ang mga kaibigan kong lalaki na tinanggap na sa sarili ang kanilang paghanga sa kapwa lalaki.

Ang sabi nga namin, walang masama sa pagiging bading.

Sa barkada kong mga dating gay-bashers, alam kong isang malaking kahihiyan sa kanila ang malaman na ang isa sa mga sandigan ng tropa ay isa rin palang bading. Sa takot kong isipin nila kung paano ko tinago ang pagkagusto ko sa lalaki sa kabila ng sabay-sabay naming pagligo ng nakahubad at pagtulog ng magkakatabi sa iisang kama sa tuwing kami ay aalis ng Maynila, nagdesisyon akong manahimik na lamang tungkol sa aking sekswalidad. Pinili ko ring itago ang tungkol sa akin sapagkat sa buong panahong bading ako, sila ang huling natitirang barkada ko sa mundo ng mga straight. Putulin ko ito't hindi lamang mabubura ang dalawang taong puno ng matatamis na alaala ko sa kolehiyo, magiging buo na rin ang pagiging bading ko.

Alam kong nag-iintay siya ng kasagutan sa kabila ng aking pananahimik. Sa kanyang matalim na pagtitig sa akin, ramdam kong malapit-lapit na siya na ang maunang magtanong tungkol sa aking maaring sasabihin. Upang maiwasan na ako ang tumupi, nagdesisyon na akong sa akin na manggaling ang aking pag-amin sa kung sino ang totoong ako.

I'm not straight pare.

Dineretso ko siya kung ano ang nais kong aminin.

Hindi ko man alam kung ano ang kanyang magiging reaksyon dito, naisip kong hinog na ang panahon upang ako'y lumantad at maging totoo sa kanila. Sa haba ng pinagsamahan namin bilang magkakatropa, marahil ay matatanggap rin naman nila ang aking pagkatao. Yun nga lang, ngayong wala na akong tinatago, para bang hindi na rin ako karapat-dapat tawaging discreet sa mata ng mga tagong bading na kilala ko.

Habang nakatingin sa malayo at pinag-aaralan kung tama ba ang aking desisyon. Nagsalita ang aking kaibigan, ang aking inaminan at tinuturing na pinuno ng aming grupo.

Matagal ko nang alam Jay. Matagal ka na namin tinanggap na ganyan ka.

Sa bawat pagbagsak ng kanyang salita, muling bumalik sa aking alaala ang sinabi ng isa pa naming kabarkada ilang buwan na ang nakakaraan. Pauwi kami galing sa libing ng isa naming kabarkadang sumakabilang-buhay sa edad na 26. Habang nagkwekwentuhan sa loob ng kanyang sasakyan, nasabi niya sa akin na masyado nang malalim ang samahan namin na kahit ano pa ako, kaibigan pa rin ang turing niya sa akin. Itong kaibigan kong ito ang nangungunang gay-basher noong kami’y mga estudyante pa at ang marinig sa kanya ang mga salitang iyon ay tunay na nakakataba ng puso. Subalit noong mga oras na iyon, hindi ko sineryoso ang nais niyang ipahiwatig.

Ang buong akala ko ay wala siyang alam tungkol sa aking tinatagong pagkatao.

Nalaman ko noong gabing umamin ako sa aking barkada na patungkol pala sa aking sekswalidad ang ibig niyang sabihin.

Bumalik kami sa club kung saan naroon ang iba pa naming mga kasama. Hindi na niya ako pinagpaliwanag sa aking pag-amin, at sa halip, nagtuloy ang aming inuman na puro buhay pag-ibig nila ang pinaguusapan.

Natapos ang gabi na kami-kami pa rin ang magkakasama. Naroon ang tawanan, ang walang katapusan at paulit-ulit na kwentuhan tungkol sa mga babaeng naging bahagi ng aming buhay kolehiyo at pati na rin ang mga lakad namin sa probinsya na sunuong namin sa ngalan ng paggawa ng aming proyekto sa kursong Journalism. Naroon rin na inalala namin ang aming kabarkadang pumanaw ilang buwan lang ang nakakaraan. Sa pagpupumilit na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang asawa’t panganay na anak, kalusugan niya ang naging kabayaran dito.

Sa kabila ng aking pag-amin, hindi na ito pinagusapan ng buong barkada. Hindi ko na rin ipinaalam ang aking pag-amin sa kanila at sa halip, binigyang kalayaan ko ang aking ka-tropang pinag-aminan na siya na ang bahalang magpaliwanag sa iba tungkol sa aking desisyong itago ang aking pagiging hindi straight. Tatlong na taon na ang nakakaraan, tinanong rin nila ako tungkol sa kumakalat na tsismis na may nakakita sa aking nakatambay sa Malate, sa lugar na tinuturing na pugad ng mga katulad ko.

Noong mga panahong iyon ay hindi pa ako handang umamin sa mga tao. Pinagtanggol nila ako sa kabila ng katotohanang totoo ang balitang kumakalat tungkol sa akin.

Ngayong nabawasan na ang aking mga sikreto, pakiramdam ko'y nabunutan ako ng tinik na matagal nang nakabaon sa aking lalamunan. Mayroon man akong mga pag-aalinlangan sa aking pag-amin, sa huli'y ito rin ang naging daan upang buo kong matanggap ang aking pagkabading. Ngayong alam kong kaya akong tanggapin ng mga straight anuman ang pagkatao ko, matatanggap ko na rin ang aking sarili ng hindi nagtatago sa aking nakaraang anino.

Buwan na ang lumipas at sa tuwing maalala ko ang aking kalayaan mula sa aking mga straight na barkada, ang sisig na dati rati’y malansa sa aking pang-amoy ay biglang nagiging mabango at nakakapaglaway ng labi. Ang San Miguel Light, na kadalasan ay mapait sa aking panlasa ay nagiging matamis, alisan man ito ng yelo. At ang aming samahang magbabarkada, isang beses man kami magkita sa loob ng isang taon ay hindi na mababali pa.

Sapagkat buo na sa kanila ang pagkatao ko. Wala na akong itatago pa

No comments: