Thursday, July 5, 2012

Awaking Hibernation




Encanto Meal

Maaga pa lang ay nakaabang na ako sa labas ng bahay. Any moment kasi ay darating na ang caravan ni Daddy Fox. Kasama si Papa Tagay, napagkasunduan na susunduin namin si Rain Darwin sa airport. Naisipan kasi nitong magbakasyon, makalimutan man lang sandali ang pangungulila sa ibang bansa.

Hindi katagalan ang biyahe mula Santa Mesa patungong Terminal 1. Dumating kami tatlumpung minuto matapos lumapag ang eroplanong sakay ang aming kaibigan galing Singapore.

Ilang sandali pa ay nakita na namin si Pilyo. Naka-black itong polo at mamahaling jeans. Kapansin-pansin ang pangangayayat nito't pagpusyaw ng balat. Tanda na hindi sanay ang batak niyang katawan sa malamig na klima ng Timog Australia. 

"Na-miss ko ang traffic ng Manila." Kami namang mga pasahero'y asar na asar na sa bottleneck sa Baclaran.

"Ang kaunti ng tao dun." Ang sabi niya sa amin. "Kayo kayo rin lang ang magkikita sa tram."

Maraming pasalubong mga kuwento si Pilyo. Kuwentong ilan sa amin ay hindi matitikman dahil kung papalaring mangibang-bayan ay hindi doon ang pipiliin naming puntahan. Laman ng kanyang tinastas na backpack ay mga karanasan sa kanyang pakikipagsapalaran. Naroong layuan siya ng kapwa kababayan na mga TNT at nagtatago sa immigration. Nandoon rin ang mag-isa niyang pagpi-picnic makalabas man lang sa tirahang kahit kailan ay hindi niya magiging tahanan.

Patuloy ang daloy ng kuwento - na parang tubig na bumubuhos mula sa shower nozzle - sa isang public pool kung saan walang sawa niyang sinisipat ang mga puti na kung tawagin niya'y "Bel-Ami." 

"Ang pupula talaga." Kapansin-pansin ang ngiti sa kanyang mukha. "At ang lalaki pa."

"Kawawa si Baby P pag-uwi nito." Bulong sa akin ni Papa Tagay. Hindi na namin pinagpatuloy ang mga kuro-kuro ng aming malikot na diwa.

Matapos ang umagahan sa Max's ay nagsipaguwian na rin ang barkada. Si Rain Darwin naman na hinatid namin sa kanyang bahay ay haharap sa mga iniwang negosyong ramdam namin ay hindi na niya babalikan. Marahil ay hindi lingid sa kanya ang pagtamlay ng grupo. Sa kanyang pag-alis, dalawang beses lang nagsama-sama ang tropa. Pilitan pa matuloy lang ang inuman sa dating tagpuan.

Sampung araw. Iyon ang itatagal ni Pilyo sa bansa. At sa mga araw na daraan, anumang oras magtawag ng lakad ang balikbayan ay isa sa amin ang sasama. 

Kung puwede lang sana, kaming lahat.

Sapagkat sa kanyang muling paglipad ay di malayong manamlay ulit ang grupo. At gaya ng dati, magkakanya-kanya ang bawat isa. At muling mananaig ang paghimbing ng mga Engkanto.