"Hi guys, this is Roy. He used to be a pexer too. His PExhandle is Jollieboie. Pakilala ko sila sayo ha. This is Bronxdude, there's Darklighter, siya naman si Lostwansoul... so on and so forth. Sila ang bumubuo sa bagong group sa PEx ngayon."
- Intoduction, Cafe Bola
---
At gaya noon, wala pa rin pagbabago ang pagpapakilala sa newbie tuwing magkakaroon ng group meet up. Ang sistema, una munang babanggitin ang totoong pangalan at pagkatapos noon ay ang nickname naman. Kung meron mang pagbabago ang henerasyon ngayon sa henerasyon namin noon, masasabi ko sigurong hindi na napakalaking issue kung kilos malamya ka ba o hindi. Noon kasi, bago ka mapasama sa isang grupo, titingnan ka muna nila kung effem ka ba o discreet. Kapag sobrang malansa ang tingin sayo ng karamihan, tiyak laglag ka sa susunod na gimikan. Meron pa ngang isang samahan sa chatroom noon na may screening pa, bago ka nila tanggapin sa grupo. Nasan sila ngayon? Kalahati ng miyembro nila, mas malambot pa kumilos sa stereotype na effem.
At tama nga ang sinabi ko kay Lostwan noong huli kaming nagusap sa private messaging. Marami ngang bago ang magpapakita. Ang ilan, magpopost lang sa thread para magpasabing sisipot. Karamihan kasi sa kanila, first time pa lang aattend ng GEB. Ang iba, marahil panget na ang impression sa ganoong meet up kaya nagdadalawang isip pa. Pero sa overall assessment ko, siguro marami sa kanila ang experienced na.
At ang hinahanap na lang sa ganitong pamumuhay ay ang totoong mga kaibigan.
Mahigit trenta minuto rin ang itinagal namin ni Roy sa movie meet-up ng mga PExers sa Greenbelt. Gaya namin, manonood rin sila ng Sukob noong gabing iyon. Gusto ko pa sana magtagal para naman makapag-bond ako sa mga tao, kaso mo, kelangan pa naming magmadali papuntang Ortigas para naman makipagkita sa mga Odders.
Ngunit dahil pamilyar na kami sa ugali ng mga tao na normal nang dumarating isang oras matapos ang oras na pinag-usapan, inaasahan naming kami pa rin ang mamimili ng table sa foodcourt para doon na lang pupunta ang lahat. Usapan rin kasi namin ang magdinner muna bago dumiretso sa sinehan. Mahirap na kasi ang magutom pagsapit ng hatinggabi.
---
Habang naglalakad papuntang MRT Station, kung saan saan na lumilibot ang mga mata namin ni Roy makakita lang ng gwapo. Simula unang linggo pa lang ata namin magkakilala, nagkasundo na kami sa pagbo boy-watching kung saan. Ngayong apat na taon na kaming magkakilala, ganito pa rin ang trip namin gawin. Kung ang iba, natuto nang ma-mick up sa paraang iyon, sa amin, tamang pagmamasid lang, solb na kami sa aming ginagawa. Kung isasama mo pa dun ang sampu sa mga kasamahang naimpluwensyahan rin namin magboywatching, siguradong makakaharass kami ng isang cutie na daraan sa harap namin.
Habang nasa loob ng tren, unang nagtext si Marvin. Hinahanap na niya kami sa foodcourt dahil mukhang napaaga ata ang dating nila ng buddy niya. Para hindi niya isipin na matatagalan pa ang dating ng karamihan, sinabi ko na lang na nasa Guadalupe Station na kami ni Roy. Mas mabuti nang marelieve namin siya ng ganun kahit sa totoo, padating pa lang ng Buendia ang MRT na sinasakyan namin.
Pagbaba ng Ortigas Station, si Goonie naman ang nagpasabing naroon na siya sa lugar ng pagkikitaan. Nandoon na rin daw si Paul, paikot ikot lang. Sa mga oras na iyon, napilitan na akong tawagan si Nathan para tanungin ang location niya. For the first time kasi, unang dumating ang mga bihirang magpakita kaysa doon sa isang higitan mo lang, sumisipot kaagad sa usapan.
Kahit ilan na ang nauna sa amin sa Megamall, kami pa rin ni Roy ang naghanap ng table na pupuntahan na lang ng lahat. Matapos ilapag ng mga nagsidating ang kanilang mga gamit, nagsialisan na rin ang mga ito upang humanap ng fastfood na kanilang mabibilhan ng hapunan.
---
Gaya ng mga patak ng ulan sa bumabagsak sa labas ng mall nang mga oras na yon, Patak din ang dating ng mga tao sa aming kinauupuan. Meron pang mga regulars na kahit anong text mo ay hindi nagrereply. Ang iba naman, at the last minute sumama pa kung kanino para mag-dinner. Labing limang minuto bago ang showing ng Sukob, bumibili pa lang ng hapunan ang mga nahuling dumating. Past nine na nang umalis kami ng table. Si Pipay na pasaway noong gabing iyon, may dinedate pa at hahabol na lang sa sinehan ang sabi sa akin ni Nathan.
Sa tagal ng prusisyon (lakad) simula basement paakyat ng third floor, hindi na namin naabutan ang second to the last screening ng palabas. Tuloy, kahit hindi pabor ang ilan, napilitan naming piliin ang pinaka-last full show. Tutal, matapos man ng maaga ang palabas, aabutin pa rin kami ng umaga sa inuman.
Dumating si Pipay ilang minuto bago magsimula ang palabas. Halatang pagod, may ginawa pa atang milagro kung saan.
---
Nagsimula ang contingent namin sa Quattro. Tanda ko pa, kahit bumabagyo, sumusugod kami makita lang ang bawat isa. Nang kinalaunan, itinigil na rin namin ang pag-inom dito dahil bukod sa masyadong out-of-way para sa marami, ang crowd na gusto namin ay lumipat na sa ibang bar.
Taon ang lumipas at nagkaroon ng trabaho ang dati-rati'y mga estudyante lang sa amin. Ang mga bagong empleyado lang noon ay napromote at lumaki ang sweldo. Bandang huli, ang mga career at ang kasamang reponsibilidad nito ang siyang nagpabawas sa aming mga lakad. Ok rin naman kasi kahit paano, laging big-time na ang mga Contingent namin.
Matapos ang mahigit isang oras na sigawan, pagtatago sa loob ng jacket... at paglalaway sa katawan ni Wendell Ramos, natapos rin ang palabas. Gaya ng lahat ng horror movie na pinanood ko, laging sa umpisa lang ang katatakutan. Bandang huli nga, natitingnan ko pa ng diretso ang batang may belo sa mukha ng hindi man lang kumukurap.
At in fairness, talagang Horror queen nga si Kris Aquino. Ewan ko ba, bakit kapag siya ang bida sa nakakatakot na palabas, laging box office ang movie na pinagbidahan niya.
Pagdating sa labas ng Megamall, malakas na ang ulan. Mukhang magkakaproblema pa ata kami sa planong inuman sa Metrowalk kasama sina Arrjae, XP at Papu. Balak sana naming sa Dencio's Megastrip na lang tumuloy kaso mo, bawal naman ang smoking. Habang naghahanap ng paraan, dumating si XP hatid ng isang magarang kotse...
...Tama nga ang hinala, nakipagdate nga ang binata.
Sa pamamaraan ni Sonny at ng buddy ni Marvin, nagawa naming umupa ng isang FX na magdadala sa amin sa Metrowalk. Ayus na kung tuusin kahit masagwa sa mga taong makakakita sa amin. Habang pasakay ng FX, tumawag na ako kay Arrjae para inconfirm ang location ng inuman.
Ang FX, kasama ang driver ay pang-sampuan lang. Isipin niyo na lang kung paano nagkasya ang labing-tatlo na malalaking lalaki sa loob ng sinasakyan namin.
Hindi pa kasama doon ang driver.
At hindi pa kasama doon ang pasaway na umutot habang mabagal naming binabagtas ang kahabaan ng Meralco Avenue.
---
-tobecontinued-
No comments:
Post a Comment