Previously: The Bridge
Minsan ako ay nangarap.
Nangarap na sa pagmulat ng mga mata, at pagsulyap sa telepono ay may bubungad sa aking mensaheng nagsasabing magandang umaga; nangarap na may mahigpit na kayakap sa mga gabing nangungulila; at kaulayaw naman sa tuwing ako ay humahanap ng kalinga. Nangarap ako ng isang kaparis na makakasama sa lungkot at ligaya, sa paglalakbay at paghahanap ng sarili, sa paggulong ng mga araw at taon tungo sa buhay na payapa at puno ng pag-ibig.
Nangarap ako at nanindigan, dahil malakas ang kutob ng puso, na sa ikalawang pagkakataon ay nakahanap ako ng katapat. At sa mga araw na ang diwa ko'y nasa kanya, hangad ko ang kanyang kaligayahan, na sa isang dako ng karimlan, may isang taong handang umalalay sa kanya.
Sapagkat pakiramdam ko na kami ay iisa.
Hangad ko man ang magkuwento ng aming simula, ngunit ramdam ko na ito'y paso na. Gusto ko man ibulong sa papel ang aming mga pinagdaanan - ang mga tagpuang hindi makakalimutan - ay tingin ko'y hindi na naayon sa panahon. Marahil sa hinaharap. Sa araw na isang alaala na lang ang yugtong ito ako ay magsasalita. Ngunit sa ngayong ako ay lunod sa ligalig, at unti-unti natatanggap na marahil ay hindi kami itinadhana para sa isa't isa, tanging ang ihip ng pagkabigo ang humahaplos sa aking pisngi.
Batid ko ang malalim na ugnayan - na minsan sa aming mga buhay ay hindi kami mapaghiwalay. Naroon ang buong araw na palitan ng mensahe sa WeChat; ang mga hawak-kamay sa loob ng taxi sa tuwing ibababa ko siya sa sakayan ng jeep pauwing silangan; ang mga pagtuklas ng hilig na nagpapatunay na isa lang ang aming tinig; at mga sikretong lakad na magpapatibay sana sa aming dalawa. Hindi ko nalilimot ang mga ito, kaya't sa tuwing ako ay naliligaw ng landas, ang mga alaala ng aming masasayang araw ang siyang nagtutulak sa aking kumapit pa.
Maaring isang araw ay matagpuan pa rin namin ang isa't isa.
Ngunit darating ang panahon na ang nanampalataya ay panghihinaan rin ng loob; na ang kanyang walang kamatayang pangako ay marurupok at mababali gaya ng isang stick; na siya mismo ang gagawa ng paraan upang lumayo at lumimot. Tadtad man ng galos ang lupaypay niyang katawan, pilit ilalaban ang hinaharap sa dahilang masakit talikuran ang nasimulan:
"Baka naman kailangan pa ng mas mahabang oras - at pasensya." Udyok nito sa sarili. "O baka naman hindi pa siya nakakawala sa anino ng kanyang nakaraan kaya't patuloy akong naisasantabi lamang?"
"Hindi kaya patuloy akong nagbubulag-bulagan sa aming mga hindi pagtutugma dahil hindi ko man sabihin pero minahal ko na siya?"
Anuman ang mga pakiwari ko sa aming dalawa, tila ang panahon namin ay lipas na.
Ituring ko man siyang higit sa isang kapatid. Gawin ko mang sandigan ang mga bagay na aming pinagkakasunduan, at maging haligi man ng anumang samahan ang aming pinagmulan. Subalit ang katotohanan ay napagpasiyahan ko na:
Abutin man ng dantaon ang pagsuyod sa langit sa nag-iisang talang magsisilbi kong gabay, pero siya, na nagbigay sa akin ng maliligayang araw at gabing puno ng mga matatamis na panaginip ay hanggang kaibigan na lang.
Mataimtim kong tinatanggap, na ang pusong ipinaubaya sa iba sa loob ng dalawang buwan ay mapapasakin muli.