Monday, July 14, 2008

Jansport

Paano mo masasabi na may sanib ang bag mo?

Alam ko ang iba sa inyo ay nag-iisip. Heto na naman ako't pinapairal ang pagiging mapamahiin ko. Sabagay, paano naman sasaniban ang isang bag eh hindi naman iyon gumagalaw. Ang mas malaking tanong doon ay kung ano ang ginagawa ng isang bag na sinasaniban? Ito ba'y nagsasalita ng Latin o kaya'y tinatagasan ng berdeng likido gaya doon sa palabas na the Exorcist? Ito ba'y nagbo-bounce at pilit nagpupumiglas sa pagkakasabit niya sa balikat upang kumaripas ng takbo't magpahabol sa daan?

Well,

Hindi naman ganun ka-exaggerated ang kwento ng Jansport backpack kong may sanib. Ang mahalaga ay mapalitan ko na ito hangga't maaga - bago pa maisipan nitong gawan ng hindi maganda ang cellphone, wallet at iPod ko.

Ganito kasi ang nangyari.

Tanghaling tapat kanina, umalis ako ng bahay (matapos makipaglaro sa telepono sa isang binatilyong nakilala ko somewhere) na makulimlim na ang kalangitan. Wala pa ako sa may pintuan ng biglang bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan. It's raining mew-mew and aw-aw nga. Badtrip. Mabuti na lang at may jacket ako't payong na dala. Gusto ko man magpatila subalit mahuhuli ako sa trabaho. Bukod dito'y nag-aalala rin ako na baka abutan ng baha sa daan. Mabuti na ang mabasa na astang koboy. Ang mahalaga'y makapag-time in ako sa bundy clock sa tamang oras.

Gaya nga ng sabi ko'y inabutan na ako ng ulan sa daan. Hindi naman ako nabasa, ngunit dahil ugali ko na isabit ang pulang backpack sa aking likuran tuwing ako'y naglalakad, lahat ng tubig ulan na bumabagsak sa aking maliit na payong ay umaawas sa bag. Huli ko na nalaman na hindi pala waterproof ang bag ko. Ang kinalabasan, nabasa ang lahat ng gamit sa loob nito.

Double Badtrip.

Mabuti na lamang at hindi ako nagdadala ng libro o kaya naman ay school papers tuwing pumapasok sa trabaho. Nasa isang plastic container naman ang baon kong Oatmeal at plastic jug naman ang gamit ko sa pag-inom ng tubig kaya cool lang mabasa ang bag ko. Ang problema nga lang, medyo mabigat ang karga ko papasok. Dumaan kasi sa aming baranggay ang NFA kaninang umaga at dahil bagsak presyo ang kanilang binebentang bigas, sinamantala ito ng aking mga kasambahay at hinoard ang mga rice packs na magkakasya sa iniwang pera ng nanay ko.

At dahil may naalala akong isang taong medyo taggutom ngayong mga araw, humingi ako ng rice pack na kasalukuyang pinaparada ng mga hoarders sa aming sala. "Para sa customs," ang hirit ko sa mga nagdaraan. Hindi naman sila nagreklamo, bagkus ay masaya pa silang nagbigay sa akin ng isang rice pack ng bigas.

Malalim na ang tubig sa may JRU nang makarating ang sinasakyan ko dito. Nagmagandang loob pa nga akong akayin ang isang babae upang siya'y hindi malaglag sa baha habang sumasakay ng FX nang ito ay pumarada malapit sa isang bangketa. Mabuti na lamang at napalitan na ng ambon ang malakas na ulan. Kaya naman wala ng hassle noong ako ay bumaba ng sasakyan malapit sa Acacia Lane.

Sumakay ako ng tricycle na magdadala mismo sa akin sa tapat ng opisina. Sa kasamaang palad, malalim pala ang baha na daraanan ng aking sinasakyang motor. "Itaas mo yung mga binti mo boy," utos sa akin ng driver. Dali-dali ko naman siyang sinunod kaya kahit dalawang pulgada lang ang pagitan ng tubig baha sa aking upuan ay nakaahon naman kami ng hindi nababasa ang aking puwitan.

Ayus na sana ang lahat, maliban na lamang sa aking karimarimarim na nadiskubre nang mapansin kong bukas ang zipper ng aking bag.

Sa totoo, ang Jansport na gamit ko ay pag-aari ng utol ko. Nagkasundo kaming magpalit nang minsang naimbitahan siyang magbakasyon sa Baguio kasama ng aming tiyahin. Marahil ay nagustuhan niya ito kaya niya inari ang backpack pagbalik niya ng Maynila. Mapagpaubaya naman ako kaya't hindi ko rin ito na binawi sa kanya.

Subalit may mariing babala ang kapatid ko bago niya binigay sa akin ang kanyang backpack. Ang zipper daw nito ay kusang bumubukas lalo pa at mabigat ang nilalaman nito.

At nangyari nga kanina ang pinapangambahan ng utol ko.

Sa dinami-dami ng maaring malaglag sa loob ng bag gaya ng aking baunan o kaya naman ay yung mabahong cologne na binili ko sa Adidas noong isang linggo, ang nahulog pa ay yung tumbler at yung kulay asul na rosaryo na ginagamit ko sa pagdarasal bago magsimula ang shift sa trabaho. Madali lang naman magpalit ng rosaryo. Ang nakakapanghinayang nga lang ay ito ang rosaryo na na siyang nakapagpabalik-loob sa akin.

Mabuti na nga lamang at natagpuan ko pa sa upuan ng tricycle ang kasama nitong prayer booklet.

Come to think of it. Dalawa sa mga sacred items na sumasalamin sa aking kabutihan ang sinuka na ng Jansport bag ng utol ko.

Una ay si Dominus.

Pangalawa ay ang aking rosaryo.

Kung hindi ka ba naman magdududa sa pagka sa-demonyo ng bag na ginagamit ko ay ewan ko na lang.

No comments: