Naupo kami ng kutong lupa sa table katabi ng pintuan palabas ng bar. Madilim ang buong paligid. Mangilan-ngilan lang ang mga bisita na karamihan ay piniling umupo sa inner room na mas malamig dahil sa aircon. Tahimik sa aming puwesto. Ang mga waiter na dati rati'y abala sa sunod-sunod na order ng mga parokyanong nakikihalakhak sa mga gay impersonators ay nakatunganga't nagkukuwentuhan lang. Ibang-iba ang dating ng lugar nang isinama ko ang bunso ng barkada ng gabing iyon. Hindi gaya dati na paulit ulit na may bumibirit sa stage ng
Till now I always got by on my own
I never really cared until I met you
And now it chills me to the bone
How do I get you alone
How do I get you alone
hanggang sa magkasawaan at mga kanta naman ni Celine Dion at Mariah Carey ang pagtuunang kantahin.
Umorder kami ni bunso ng tig-isang bote ng San Mig Light. Hindi pa man nadadampian ng beer sa aming mga lalamunan ay binanatan ko na ito ng katanungan.
"May problema na naman sa inyo no?" Hindi ito umimik sa akin. Sa halip ay naglabas ito ng panyo't animo'y nagpupunas ng pawis. Nangingilid na pala ang luha ng binata.
"Hindi ko na nga alam gagawin ko kuya eh." Nangangatal ang kanyang boses, pigil ang anumang ibig isigaw ng kanyang damdamin.
Dumating ang aming order habang unti-unting nag-oopen up ang kutong lupa sa akin. Taimtim akong nakikinig sa kanyang kuwento habang ipinaglalagay ito ng yelo sa baso. Sa unang pagkakataon ay nalaman ko ang sitwasyon niya sa bahay. Nalaman ko rin kung bakit ganun na lang kasaya ang kutong lupa sa tuwing nagkikita kita ang magkakabarkada. Nakakalungkot man isipin ngunit kagaya siya ng karamihan ng mga PLU ngayon. Tago ngunit pilit kumakawala. Palaban subalit piniling hindi magsalita. Rebelde pero laging isinasaalang alang ang kapakanan ng pamilya. Hindi ako magaling bumasa ng ugali ng tao, ngunit sapat na ang pagkataong pinapakita ng aking kasama upang makiramay sa kanya.
"Alam mo hindi ka nag-iisa. Lahat kami ay dumaan sa ganyan." Muli kong naalala kung gaano ko kamuhian ang aking ama noong buhay pa siya. Sinong mag-aakalang ang pinakapalabang anak ang siya ring hindi nakakalimot dumalaw sa kanyang puntod tuwing ito'y naliligaw sa bayang kanyang kinalakihan.
"Talaga kuya?" Mabilis ang binata sa paglagok ng beer. Tila pilit nitong nilulunod ang kahinaang buong tiwala niyang pinakita sa akin.
"Oo naman! 5 years from now, pagtatawanan mo lang lahat ito."
Nagpatuloy ang aming kuwentuhan habang lumalalim ang gabi. Nakuwento ko sa kanya kung gaano siya kamahal ng barkada at ang pangungulilang mararamdaman ng lahat sa nalalapit nitong pangingibang bansa. Upang lubos na maipaliwanag ang kanyang pinagdaraanan, ginawa kong halimbawa ang ibang mga kutong lupa na dumaranas rin ng hindi pagkakaunawaan sa pamilya.
"Kita mo naman si shoti, mas matanda pa sayo pero kung bigyan ng curfew ng nanay eh parang teenager lang." Ngiti ang isinukli ng binata.
Humaba lang ng dalawang bote at kalahati ang aming usapan. May pasok pa kasi ako kinabukasan samantalang siya naman ay tumakas lang sa kanila. Gaano man kaikli ang aming panahon, pinilit kong ibahagi sa kanya ang mga aral na natutunan ko sa buhay. Naroon ang babala ng pagiging kumplikado ng mga problema, at ang paniniwalang higit na matiwasay ang kanyang magiging landas dahil sa mga nakakatandang nakapalibot at handang umalalay sa kanya.
Nang gabing iyon ay naisip kong napapanahon na ang mag-recruit ng mga bagong kutong lupa na magiging katro-katropa ng aming bunso.
Hiningi ko ang aming bill at kaagad itong binayaran. Mabigat man ang loob ng aking kasama ay bakas na sa kanyang mukha ang kaginhawaan na may nasasabihan na iba.
Naalala ko tuloy bigla ang huli naming pangtritrip sa kanya - sa isa ring inuman sa piling ng mga engkanto.
-
"Darating na si shoti. Dali isuot mo na tong sando ko para makita niyang hunk na hunk ka na!" Sumunod naman ang binata. Pagbalik nito galing banyo ay sa kanya ang tingin ng lahat ng nasa paligid.
"Pucha para tayong may ka-table sa gaybar ah!" Pabirong sabi ng pinuno.
Tuloy ulit ang inuman. Subalit ilang minuto pa ay nagsimula ng magreklamo ang kutong lupa.
"Akin na yung t-shirt ko. Ang lamig lamig na..."
"Ah hindi! Kelangang pakita mo kay shoti yang masels mo!"
"Baka hindi dumating si shoti ah!!"
"Edi pagyabang mo na lang sa utol ko yang braso mo." Ang tinutukoy kong utol ay si Lukayo.
"Pangako yan ha! Magdadamit na ako pag dumating na sina Lukayo."
"Depende kung papayagan ka niyang isuot ulit yang T-Shirt mo." Halatang asiwa ang aming pinagtritripan.
"Dali, flex ka muna ng masels kunan kita ng picture." Who would have thought na sa entry palang ito magagamit ang litrato.
Sa inumang iyon kung saan wala si Ate Bianca, ang kutong lupa ang kaisa-isang tumba. Subalit ang kutong lupa ring ito ang kauna-unahang nawalan ng tama nang ipakita sa kanya ang mga litrato ng isang engkantong nagdamit babae at rumampa sa stage para sa isang initiation na tradisyon na sa kanyang pinagtratrabahuhan.
"Balang araw ay mag-susuot ka rin ng gown."
-
Nilakad namin mula bar hanggang sakayan ng jeep na tuloy pa rin ang kuwentuhan tungkol sa kanyang problema. Naroon rin ang manaka-nakang harutan na lagi naming ginagawa sa tuwing nalalasing. Limot man sa alaala ang eksaktong dahilan kung paano kami naging close (yun ba ay noong sinama ko siya sa O-Bar para ibugaw sa mga bading habang pinipitik na pala ang cellphone sa aking bulsa o kaya naman ay noong may sinama akong nognog na hipon na pinaringgan niyang kamag-anak ni Aling Dionisia, pero siguradong hindi iyon noong may inimbitahan kaming blogger na katakot takot na pintas ang inabot sa kanya matapos itong umaming maka-kapuso.) Sa pagpupumilit balikan ang aming nakaraan habang nag-iintay ng sasakyang mag-uuwi sa kanya, hindi ko namalayang nasa harap na pala namin ang FX patungong Montalban.
"Dito na ako kuya, salamat ha?"
"Ayos lang, mag-ingat ka."
Sinarado ko ang pintuan ng FX bago pa man ito makasagot sa akin. Subalit bago tuluyang makalimutan ay kinatok ko ang bintana ng sasakyan para ipaalalang mag-text pagdating sa bahay.
Tango ang sinukli ng kutong lupa.
Ang pulang ilaw sa traffic light ay napalitan na ng berde. Nakaandar na ang sasakyan at malayo na sa aking kinatatayuan ngunit pinili kong pagmasdan ang FX habang ito ay unti-unting nawawala sa aking paningin.