Thursday, October 16, 2008

Hunger For Humanity

Bumalik ako sa barbero kaninang umaga upang magpakalbo. Wala lang, badtrip kasi kapag humahaba masyado ang buhok mo na nagmumukha itong Afro na ang kaibahan lamang ay unat ito't mahirap suklayin. Uneventful naman ang pagpapagupit. Naroon pa rin ang paborito kong barbero na sa mga oras na iyon ay walang inatupag kundi pintasan ang pagkanta ni Dennis Trillo sa palabas na Sis. Sabi niya ay sumikat lang daw yung tao eh ginawa nang singer ng Channel 7. Wala naman daw itong boses talaga at mas marami pang artista ang mas magaling kumanta sa kanya.

Bigla ko tuloy naalala si Jericho Rosales at ang kanyang flop na bandang Jeans.

Lumabas ako ng Barber Shop matapos magbayad ng 40 pesos para sa gupit. Tirik na ang sikat ng araw at kasalubong ko ang mga bagong paligong mga batang papasok pa lang sa eskwelahan malapit sa lugar. Sa isang karinderya naman na di malayo sa Barber Shop ay nagkakagulo ang mga construction workers para sa libreng sabaw ng Sinigang. Tanghali na pala at medyo kumakalam na rin ang sikmura ko.

Dalawa ang paraan para makabalik ako ng bahay. Una ay ang maglakad ng malayo patungo sa Traffic Light kung saan makakasalamuha ko ang usok at alikabok sa daan. Ang ikalawa naman ay ang umakyat ng overpass at bumaba sa kabilang side upang dumaan sa isang eskinita na magtatagos sa daan patungo sa aming bahay. Pinili ko ang ikalawa sapagkat higit man itong nakakapagod ay mas malapit ang daang ito patungo sa hapag kainan namin.

Nakarating ako sa tuktok ng overpass ng hindi man lang hiningal. Sa kabila ng tagumpay na ito'y tumambad naman sa akin ang isang matandang babae na nakalupasay sa aking lalakaran. Ang damit niya'y gusgusin samantalang isang plastic cup ng Wendy's ang nakasalang sa kanyang tabi. Ang kanyang ulunan ay natatabunan lang ng isang tagpi-tagping payong na maaring napulot niya sa basurahan sa ibaba, subalit dahil sa init ng panahon noong mga oras na iyon, ramdam ko ang kanyang pagkauhaw.

Ramdam ko ang kanyang pagkagutom.

Dahan-dahan akong lumakad patungo sa matandang babae habang hinuhugot sa brief ang aking naka-tuck na wallet. Binuksan ko ito't binilang ang aking sukli sa pagpapagupit.

60 pesos. Ang natitira kong pera kanina.

Ang bente pesos ay para sa pamasahe sa FX.

Ang sunod na bente naman ay para sa tricycle papunta sa aming gusali na nakatayo sa gitna ng karimlan ng Mandaluyong.

Ang natitirang bente pesos naman ay para sa pamasahe ko pauwi kinagabihan.

Medyo tough ang choices ko. Maari kong ipagwalang-bahala ang matandang babae gaya ng mga ibang dumaraan sapagkat lahat naman kami ay nangangailangan ng pera. Sa antibiotics pa lang ni Throatie ay ubos na ang sweldo ko ng sa sampung araw. Sa kabilang banda naman ay malinaw na hindi ako nabubuhay para sa sarili ko lamang.

Lumapit ako sa matandang babae matapos makuha ang konsenso ng aking sarili. Pinagmasdan ko ang kanyang dungising mukha, nakaluwang mga mata, at mala-kalansay na mga braso na tila hinang-hina na noong mga oras na iyon. Kagat-labing yumuko, iniunat ko ang aking kamay at inabot sa kanya ang bente pesos na magiging pamasahe ko sana sa tricycle.

Nag-abot ang aming mga kamay at kasabay noon ang pagtatama ng aming mga mata. Ni isang salita ay walang inutal ang aming mga labi ngunit alam namin sa sarili ang nais ipaabot ng bawat isa.

Doon rin nagtapos ang aming pagtatagpo.

Lumingon akong muli sa kinasasadlakan ng matandang babae bago naglakad papalayo. Nakahandusay pa rin siya sa daan, habang ang gula-gulanit niyang payong ang siyang tanging sumasanggalang sa kanya sa init ng araw.

---

Ilang oras pa ang lumipas...

Naglalakad ako sa ilalim ng sikat ng araw mula sakayan ng FX patungo sa gusali kung saan ako nagtratrabaho. Pawisan man ang aking katawan ng mga sandaling iyon, ngunit malamig naman ang bugso ng hanging dahan-dahang bumabalot sa aking puso.


No comments: