Wednesday, October 8, 2008

As The Final Hour Falls

I guess if you look at love and relationship as something that you should work for, then its value depends on how much effort you put on it.

- Jericho, The Longest-Running-Whatever of my Entire Gay Life


---

Maulap ang kalangitan at nagbabadyang bumuhos ang ulan noong hapong iyon. Malamig sa aking workstation at tumaon namang nakalubog muli sa putik ang mood ko. Habang pilit inaangat ang aking sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kaibigan sa Yahoo Messenger, isang text message ang natanggap ko mula sa isang taong buong desperasyon kong pilit iniiwasan.

Si ex.

"Asawa ko bakit hindi ka po nagpaparamdam sa akin? Masama po ang pakiramdam ko at nilalagnat po ako ngayon. Sana makapunta ka dito at maabutan mo ako ng pera pambili ng gamot. Pasensya na po sa abala."

Kung ang text message na ito ay natanggap ko noong sinaunang panahon, hindi ako magdadalawang isip dumayo ng napakalayo upang iabot sa kanya ang pera na pambili ng gamot. Nagawa ko na ito minsan at umuwi akong durog ang puso matapos ang panic at pag-aalala. Kasabay nito ang pagkagising sa katotohanang ni minsan ay hindi ako humingi ng tulong sa kanya sa tuwing ako naman ang may karamdaman.

Higit na sumadsad ang aking mood matapos matanggap ang kanyang text message. Naroon ang pag-aalala, ang pagka-badtrip, ang pagdududa, at ang pakiramdam ng pagkagamit. Sawang sawa na ako sa ganitong sitwasyon at laging ako ang talo - sa pera at effort - sa tuwing siya ang agrabyado.

Matapos magyosi sa banyo, bumalik ako sa workstation upang nagvent-out kay Squarepants na una kong nakausap sa Yahoo.

Marahil ay dahil sa gulo na rin ng isip, hindi ko na matandaan ang mga nasabi ko. Hindi ko na rin mabilang kung ilan pang mga kaibigan ang hiningan ko ng payo tungkol sa aking emotional crisis. Naroon si Philander, si Rico, si Pinuno - at si Dabo na siyang huli kong nakausap ilang oras matapos ang shift. Malinaw sa akin na awa na lang ang natitira sa aming relasyon at alam kong hindi ito sapat upang tumagal pa kami gaya ng lagi kong pinapanalangin sa tuwing nadadayo ako sa simbahan.

---

Ilang linggo na ang nakakaraan nang sabihin ko kay ex na nasira ang phone ko. Sabi ko sa kanya na maari akong makatanggap ng text message, subalit hindi ako makakareply dito. Nasambit ko ang dahilang ito upang maiwasan niya ang pagtetext ng mga sweet nothings sa tuwing magpapadala siya ng text message sa akin. Sobrang sakit kasi ang maramdaman na ang mga sweet nothings na ito ay wala nang tama sa puso ko.

At higit na masakit ang magreply dito na walang laman ang bawat sinasabi mo.

Namimiss po kita.
Sana magkayakap na po tayo.
Mahal na mahal po kita.

Paano mo mararamdaman ang mga bagay na ito kung ang tanging nagpapatakbo sa inyong relasyon ay pera? Paano mo mamimiss ang isang tao kung ang tanging dahilan niyo upang mag-usap ay upang makinig ka at magpayo sa kanyang mga issues na sa totoo'y wala naman direktang kinalaman sa iyo?

Tumagal kami ng taon na hindi ko nalalaman kung saang mga bagay kami nagkakasundo.

---

"I don't want to see him. I want him completely out of my life." Reply ko kay Dabo sa chat nang tanungin niya ako kung may pag-asa pa ba kaming maging magkaibigan ni ex. Marahil ay ikinagulat niya ito sapagkat sa tuwing nag-uusap kami tungkol sa problemang relasyon ay ni minsan ay hindi ako naging matigas pagdating sa gusto kong mangyari sa aming dalawa.

Pumatak ang bawat minuto na parang nag-iintay ako ng delubyo. The lull before the storm, ang sabi ko nga sa isang kausap sa chat. Sampung minuto bago mag-alas diyes, nakatanggap ako ng text message, muli, sa taong iniiwasan ko. Dito na nagsisimula ang komprontasyon at sa isip ko, handa ko nang isugal ang lahat para sa aking kalayaan.

"Nagkasakit na ako at lahat hindi ka man lang nagparamdam sa akin."

Gamit ang cellphone ng katrabaho, bumawi ako sa text niya.

"Baon na ako sa utang at problema, isasabit mo pa ang sarili mo."

"Ah ganun, simula ngayon hindi na ako magpaparamdam sa iyo." Ito ang naintindihan ko sa kanyang reply. Sa totoo, pilit ko pa ring iniiwasan makipag-prangkahan sa kanya.

"Huwag ka mag-alala. Pagkatapos ng trimester, isasauli ko na ang laptop at lahat ng binigay mo sa akin." Pagkabasa ng text message na ito, nagkaroon ako ng lakas ng loob gumawa ng opensiba.

"Mabuti pa siguro magpalamig muna tayo. Hindi na maganda ang nangyayari sa atin."

"Ano ibig mo sabihin, wala na tayo?"

"Ang sabi ko, huwag muna tayong mag-usap. Pag-isipan muna natin ang mga bagay-bagay. Huwag ka na magreply, ibabalik ko na ang phone sa may-ari."

Sadyang palaban ang kausap ko. Pilit man niya sigurong umasa na magiging mabuti pa ang mga bagay sa aming dalawa, nararamdaman rin niya ang aming katapusan."

"Diretsuhin mo ako, ayoko ng nakabitin..."

Napaisip ako ng ilang minuto. Alam kong wala na akong stake sa aming relasyon at hangad ko na ang lumaya. Sa kabilang banda, ayaw ko naman siyang isuko hangga't hindi namin natatapos ang kanyang pag-aaral.

Masyadong marami na kasi akong isinugal makita lamang ang kanyang tagumpay.

Ibabalik ko na sana ang phone nang bigla kong naalala ang tagubilin ni Mami Athena nang minsang magtawag ng cool-off si ex at ako naman ay dali-daling dumiretso ng Cubao matapos ang shift upang magpakalasing sa bakuran ng aking nanay-nanayan.

"Isipin mo na lang ano ang sasabihin ng nanay mo, matapos ka niyang dinala ng siyam na buwan sa sinapupunan kung malalaman niya na sinasayang mo ang buhay at kasiyahan mo sa iisang tao lamang."

Tama si Mami. Magunaw man ang mundo, gumawa man ng eskandalo ang taong iiwanan ko, papanig pa rin ang aking ina sa akin.

Namumutla at nanginginig man ang kanang kamay, dahan-dahan kong tinype sa screen ang aking pamamaalam. Ni minsan ay hindi ko hinangad na ako ang makipag-split up, subalit sa pagkakataong ito, makakabuti sa aming dalawa ang paghihiwalay.

"Paalam, Break na tayo."

Message sent.

10:07 pm, October 1, 2008. Natamo ko ang aking kalayaan.

Hindi na kami nag-usap matapos noon at gumawa ako ng mga paraan upang hindi niya ako marating, anuman ang kanyang gawin. Isang linggo matapos ang mga pangyayari, laman pa rin ng isip ko ang kanyang pagbabalik. Ito'y nanunuot na pangamba na sa tuwing naiisip ko'y nagiging dahilan ng aking panghihina.

Isang linggo matapos makamit ang kalayaan,

sa totoo'y hindi ko pa rin alam paano mamuhay ng malaya.

No comments: