Monday, May 19, 2008

Dream Journals Fifteen

Nakita ko ang aking sarili na kausap ang isang babae na hawig ng kapatid ko. Tanda ko pa ang kanyang suot na jeans at T-shirt na paborito niyang suotin kapag sumasali ito ng mga rally. Napansin ko rin ang kulay pulang bandana na nakapulupot sa ulo nito.

Naroon kami sa isang construction site. Malalim ang hukay sa lupa at ang isang bahagi nito ay lubog sa tubig na may halong burak. Bumaba ng hukay ang babae upang mag-imbistiga. Ako naman ay nakatayo lang sa itaas, ilang talampakan mula sa excavation at nakikipag-text sa aking kalandian sa cellphone.

Sa kasamaang palad biglang dumulas ang cellphone sa aking kamay at nahulog ito sa tubig na may halong burak. Natatandaan ko pa nga ang aking pagka-badtrip sapagkat panay na ang gastos ko, ngunit heto't kailangan ko na naman bumili ng bagong telepono. Sinabi ko sa babae ang aking problema. Sa halip na makisampatya sa inabot kong kamalasan, inanyayahan pa niya akong bumaba ng hukay upang samahan siya.

Nang makarating ako sa putikang bahagi kung saan nahulog ang aking cellphone, inutusan niya akong ilubog ang aking kamay sa tubig na may burak. Sabi ko sa kanya na mukhang malalim ang bahaging pinaghulugan ng aking telepono at malabo na itong makuha at gumana pa dahil nabasa na ito ng tubig. Ngunit sa kabila nito, napilit pa rin niya akong kapain ang cellphone dahil ayon sa kanya'y mababaw lang daw ang tubig.

Upang patunayan na mali ang kanyang sinasabi, nilubog ko ang aking kamay sa burak.

At laking gulat ko dahil hindi lamang mababaw ang tubig na may halong burak, nang iangat ko ang aking kamay kasama ang cellphone ay gumagana pa ito na tila ba walang nangyari kahit na napakataas ng pinaghulugan at tubig pa ang pinagbagsakan nito.

---

I found my answer in the tranquility of sleep.
Dominus will remain.

No comments: