Wednesday, November 26, 2008

Spirit Within

Mga ganitong araw noong bata kami nagsisimula ang diwa ng Pasko sa aming lugar. Pagkagat ng dilim, kanya-kanya kaming labasan sa aming mga bahay upang magtipon sa isang lugar para pag-usapan ang pangangaroling pagsapit ng gabi. Hapon pa lang ay nakahanda na ang mga instrumentong aming gagamitin. Nariyan ang tambol na gawa sa lata ng gatas na hiningi sa isang kapitbahay. Ito ay tinatanggalan namin ng plastic na takip upang pasakan ng cellophane na magsisilbing drumhead nito. Gamit ang mga gomang napanalunan sa isang larong kalye, ang cellophane ay aming inuunat gamit ang mga goma bilang panali hanggang ito ay magkaroon ng tunog. Ang drumstick ay gawa sa kawayan na ginamit na pantuhog ng Banana Que. Madalas ay pinupulot namin ito sa basurahan. Ang dulo ng stick ay binabalutan namin ng plastic bag na tinalian ng goma upang ito ay tumalbog sa tuwing tumatama sa kasama nitong tambol.

Kapag sinisipag, nariyan rin ang Tambourine na gawa sa mga tansan. Ang mga tansan ay aming pipitpitin hanggang sa ito'y maging flat at bubutasan sa gitna gamit ang pako at martilyo upang magsilbing lagusan ng wire kapag ang mga tansan ay amin nang pinagsama-sama. Hindi ko na matandaan kung may iba pang mga instrumento na gamit noon sa pangangaroling. Basta sa aming lugar sa Santa Mesa, sapat na ang dalawa.

Kadalasan, ang unang pintuan na kinakantahan ay ang sa kapitbahay. Bukod kasi sa kakilala na, imposible ang masabihan ng "patawad po!" lalo na't kapag ang nanay ay nasa bakuran lang ng bahay mo. Madalas ay sila rin ang pinaka-mataas magbigay ng aginaldo na noong kapanahunan ko ay hindi tataas ng tatlong piso. Ang saya no? Ganito kasimple ang buhay noon. Mayroon mang TV Patrol sa TV - na si Noli De Castro pa ang news anchor, wala sa aming bokabularyo ang maglagi lang sa loob ng bahay upang manood lang ng telenovela.

Magbalik tayo sa pangangaroling. Upang maging madali ang hatian, nililimitahan ang kasapi sa tatlo o apat depende sa dami ng musical accompaniment ng grupo. Mayroon nga dating mga bata, soloflight na sila sa pagkanta, ni Tambourine ay wala pang kadala-dala. Gawin daw bang A capella ang "Sa Aming Bahay." Madalas sila ang nabibiktima ng "patawad po!" Kung hindi man rejected, laging maliit ang natatanggap nilang aginaldo galing sa mga bahay-bahay.

Iikot ang gabi na para bang walang pasok sa paaralan kinabukasan. Sabagay, sa mga panahong ito ay Christmas Mood na rin sa aming Catholic School. Nariyan ang mga adbento-adbento, ang pagsisindi ng mga kandila tuwing Flag Ceremony at ang walang katapusang pagpla-plano ng Christmas Party at Christmas decoration ng mga rooms. Pati ang mga teacher ay tinatamad rin sa kanilang lessons, palibhasa kasi ay nasa kung saan na ang mga utak nila. Come to think of it, masaya sa elementarya. Sana lang ay puwede tayo maging pupil habambuhay.

Sa buong takbo ng pangangaroling, mararanasan namin ng maraming beses ang mapatawad. Madalas ay walang barya o kaya naman ay naunahan kami ng kumpetisyon salamat sa ibang mga bata na dumayo pa galing sa ibang lugar. Sa tindi ng kumpetisyon, makakarating kami ng ibang baranggay at papasok sa mga eskinita na walang lagusan. Mababastos rin kami ng mga tambay at kakahulan ng mga aso na animo'y mas malaki pa sa amin.

Sa sampung bahay na magbibigay sa amin ng aginaldo, anim dito puro mamiso. Ang isa ay singkwenta sentimos at kung makaka-jackpot ay maaring may magbigay ng limang piso. Pero dahil wala pang limang pisong coins noon, maaring nag-iilusyon lang ako. Sa hinaba-haba ng Christmas Season dito sa bansa, darating rin ang mga gabi na puro patawad ang iyong maririnig. Ang ibang mga bata ay babawi sa pagkanta nila ng "Tenk yu, Tenk yu, ambabarat ninyo Tenk yu!!" sabay takbo papalayo sa bahay. Ang iba naman ay bubwelo pa lang sa pagkanta subalit nakatanggap na ng isang malutong na "Patawad," bago pa sila makahinga. Sa pagdaan ng panahon, masasawa ka rin na kada gabi na lang ay may kakantang mga bata sa iyong pintuan upang manghingi ng aginaldo. Sa mga bata naman, nakakawalang gana rin ang mangaroling gabi-gabi na alam mong wala kang mapapala sa dami ng rejections na natanggap mo. Siguro ito rin ang dahilan kung bakit sa panahon ngayon, bihira na lang ang may kumakanta ng "Sa Aming Bahay." Maaring sa ilang lugar ay nangyayari pa ito, subalit sa amin ay wala na akong naririnig pa.

Christmas is around the corner, ang sabi nila. Sa bahay nga ay ilang linggo na akong kinakantahan ni Yaya para magdagdag ng Christmas Lights sa labas ng bahay. Masyado daw malungkot sa compound dahil walang nagsasabit ng ilaw o kahit parol man lang. Naghahanda na rin ang mga malls at palengke sa dagsa ng mga tao para sa nalalapit na pagdiriwang. Tiyak, marami na rin ang nagscra-scramble para makahanap ng karelasyon maiwasan lang maging miyembro ng SMC ngayong taon.

At para sa mga katulad kong nakakamiss ng nakaraan habang patuloy na naglalakad sa isang hinaharap na walang kasiguraduhan,

Ang alaala ng pangangaroling noong aking kabataan ang isa sa mga bagay upang ang diwa ng Pasko ay patuloy na magkaroon ng totoong halaga sa akin.

Kahit pa na sa maraming pagkakataon ay unti-unti ko na itong kinakalimutan.

---

Christmas Shopping spree officially began this afternoon.
All for the sake of capturing the spirit...

No comments: