Wednesday, June 24, 2009

Hingahan

Kamusta ka na tol?

Ako heto buhay pa. Kababalik lang sa trabaho kaya't ngayon lang nakapagonline ulit. Pinutol kasi ang extension ng telepono sa bahay kaya pati internet ko ay damay. Binalak ko sana mag-pa install ng DSL kahapon kaso sabi ng Sky Cable, matatagalan pa bago magkaroon ng linya sa aming lugar.

Ayos naman ang ako. Medyo magulo, medyo senti. Pero sa bilis ng takbo ng oras, wala akong matandaan sa mga naging highlights ng buhay. Kagagaling ko lang pala sa sakit at masasabi kong hindi pa ako lubos na magaling. Paano kasi ay nagparamdam si Throatie at dahil nadala ako sa nangyari noong isang taon, ginawa ko ang lahat huwag lang lumala ang aking kondisyon. Natulog ako hanggang kaya antukin noong rest day. Tumungga ako ng tubig hanggang meron sa garapon. Umiwas ako sa mga balitang pampadurog-loob kasi alam kong may tama ito sa akin. Subalit ganun yata talaga. Hinahabol ako ng mga bagay na pilit ko iniiwasan.

Mahigit dalawang buwan na rin mula noong nagkaroon kami ng confrontation ng utol ko. Paano kasi ay ako na ang nagrerefer sa kanya ng trabaho, siya itong ayaw mag-apply. Kesyo hindi daw niya alam ang mga gawain o kaya naman ang daming shit na dahilan. Puta, parang kala mo lumalangoy kami sa pera. Kung sino pa ang mas maraming honors noong nag-aaral pa kami, siya itong pabaya ngayon. Ano ba ang makukuha niya sa pagiging aktibista? Hindi ba siya nahihiya na andami-daming desperadong makahanap ng trabaho na kasing edad niya? Wala naman magawa ang nanay namin. Siguro dahil guilty rin siya sa naging takbo ng buhay niya noon. Alam niyang kahit anong santong paspasan ang gawin sa utol ko, magrerebelde lang lalo ito pag kinalaban. Ako naman itong hingahan niya ng problema pag nagkukulang ng pera sa bahay. Isang buwan na rin kasing hindi dumarating ang kita namin sa family business. Nahihiya naman siyang humingi sa akin kaya pati yung mga maintenance niyang gamot, kelangan ko pang kulitin bago ipaalam sa akin ang kailangan.

Dude ang hirap ng ganito. Hindi ako makapagtake ng risk dahil kalkulado dapat lahat ng galaw ko. Gusto kong humanap ng extra income kaso hawak naman ako sa leeg ng trabaho. Sa trabaho naman, pakiramdam ko para akong basura. Hindi ko alam kung ano ang feedback ng mga boss sa pamamalakad ko. Mabuti pa noong rank and file lang ako, at least may gumagabay sa akin. Ngayong ako na ang gumagabay sa iba, pati sarili kong diskarte, kinukuwestyon ko. Ganun ba talaga maging isang leader? Nakalimutan ko na kasi eh. Di bale, isang buwan na lang at tapos na ang duty ko. Pinag-iisipan ko na nga kung paano ko gagamitin ang mga leaves ko eh. Paano kasi ay hindi na ako makapag-holiday ngayon.

Anim na araw na lang pala at tapos na ang buwan. Ambilis talaga. Ang nakakalungkot doon, parang walang nangyari sa akin. Tumigil ako sa pag-aaral dahil nawalan na rin ako ng gana magsulat. Tumigil ako sa pagseseryoso sa pag-ibig dahil libog lang naman ang kaya ibigay sa akin. Pati mindset ko sa pagkakaibigan, hindi ko alam kung ganun pa rin. Hindi ko makakailang may mga nagbago at ang mga pagbabagong ito ang siyang nagpapawalang-gana sa akin. Makulimlim ang buwan na paparating, pero sana naman, anuman ang ibato sa akin, ang mga karanasan at aral na natutunan ko sa mahabang panahon ang siyang maging gabay para makawala ako sa mga trouble na papasok,

Na hindi masyadong nagbabago ang tingin sa buhay.

Pasensya na parekoy sa pagiging emo. Ito talaga ang silbi ng blog ko.