Tuesday, May 5, 2009

Totoy Batak Chronicles One


Minsan ay tinatanong ko sa sarili ang silbi ng pagbubuhat gayong wala naman talaga akong nakukuha dito. Hindi naman ako malusog. Katunayan ay madali pa nga akong panghinaan ng katawan lalo't sunod-sunod ang session ko sa gym. Hindi rin naman ako agaw pansin sa ibang binatilyo, tingin ko nga ay lalo pang bumagsak ang market ko. At kahit anung pursigi ko maging matipuno, sa huli ay insecure pa rin ako sa sarili.

Tila walang katapusan ang reklamo ko pagdating sa pagpapaganda ng katawan.

Subalit gaano man kasakit sa balakang at sa bulsa ang maintenance, patuloy pa rin ang pagbubuhat ko ng bakal. Ito ba ay dahil bahagi na ito ng aking sistema, o baka naman ay sadyang takot lang akong mabansagang bilugan at mataba gaya ng tingin sa akin ng mga tao noon?

Mahigit dalawang taon na rin ang aking routine. Sa tuwing matatapos ang shift (at kung minsan naman ay bago pumasok sa trabaho) ay sa gym ang diretso ko. Doon ay ilalapag ko ang backpack sa locker room, magtatanggal ng damit pampasok at saka isusuot ang sando at jerseys na hindi na nawawala sa loob ng bag ko. Matapos ang dagliang paggayak ay haharap ako sa salamin upang pagmasdan ang aking katawan.

Upang paulit-ulit na paalalahan ang sarili sa kung ano ang maaring mawala sa oras na ako ay tumigil ng pagbubuhat.

Malayo na rin ang aking narating. Kung dati rati ay isang malaking kahangalan lang ang mag-ilusyon ng umbok sa dibdib at firm na mga biceps, ngayon ay abot kamay na ang aking mga pinangarap. Minsan ay pati ako ay nababakla sa aking nakikita at sa mga pagkakataong umaandar ang aking pagiging narsiso, ngingisi na lamang ako't ibubulong sa sarili

Na sana'y kabiyak ko na lang ang lalaki sa salamin.

Ano na nga ba ang resulta ng aking pagbubuhat?

Bukod sa dumoble ang aking lakas, higit na lumitaw ang aking pagiging gentleman kahit alam pa ng lahat na ako'y hindi straight. Wala ring straight ang nangahas maghamon sa akin sa pangambang isang kamao ko lang ang magpapatumba sa kanila.

Samakatuwid ay nakakuha ako ng respeto sa mga tao anuman ang sexual orientation ko.

At kung may mabuting naidudulot ang pagiging hunk, naroon rin ang napakaraming disadvantage kapag alam ng mga tao na ikaw ay nagbubuhat.

Expected nila sayo ang pagiging makisig sa lahat ng pagkakataon maging ito man ay sa pagbubuhat ng water jug na iyong isho-shoot sa dispenser o kaya naman ay sa pagsisiguro na ang isang katrabahong babae ay safe na makakauwi sa kanilang bahay.

Ikaw ang Alpha Male ng sanlibutan. Nasa iyo ang pagiging maangas, manipulado at madiskarte sa mga bagay na hindi nila aasahan sa isang lampayatot na kasama mo. Dahil sa mga expectations na dinikta ng mga taong nakapaligid sa iyo, nagiging kasagwa-sagwa ang makita kang naduduwag, natataranta, nadodominate at pinanghihinaan ng kalooban. Kaya tuloy minsan ay nagdadalawang-isip na akong maging bottom sapagkat ang unang tingin sa iyo ng lalaking ka-sex mo ay yung tipong nambabalibag.


Eclipse Gym Shaw, Cardio Area



Hindi ikaw ang binabarena sa kama.

At dahil napadpad na rin tayo sa usapang kama, napansin ko na kasabay ng pagiging matipuno ay siyang dami naman ng rejections at pang-iiwan na aking napala. Nariyan ang mga lalaking matapos mo yakapin ng buong gabi ay kakalimutan ka pagdating ng makalawa. Nariyan rin yung mga lalaking matapos maglaway sa litrato ng iyong katawan na naka-post sa internet ay manlalamig sa iyo't hindi ka na kakausapin matapos ang inyong pagkikita. Tingin ko tuloy sa sarili minsan ay isang karne na matapos gawing ulam ay itatae at iflu-flush na lang ng basta sa toilet.

Iyon ba ay dahil sa general impression na libog lang ang hanap ng mga kagaya ko?

O sadyang hindi nababagay sa akin ang pumorma ng ganito?

Kay sarap magmuni-muni ng mga ganitong bagay lalo pa't isang malaking tagumpay ang maibalik ang iyong timbang mula sa 172 lbs noong nakaraang buwan pababa sa 167. Hinala ko ay dahil ito sa pagliban ng pagkain ng kanin tuwing gabi at pati na rin mahabang lakaran papasok ng trabaho. At sa mga panahong ako ay nagdadalawang-isip ipagpatuloy ang gym ngayong inaasahan na ang aking suweldo para sumalo sa mga gastusing bahay,

Siya namang sagot sa aking hiling na huwag sana mawala ang pagbubuhat sa aking sistema.

Kaninang hapon ay nabasa ko ang isang promo na nakapaskil sa labas ng pintuan ng Eclipse. Naglalaman ito ng "Summer Discount" kung saan higit na mababa ang babayaran ng isang bagong miyembro kung isang buong taon ang kanyang kukuning kontrata.

Dali-dali kong kinausap ang receptionist upang ipaabot ang aking problema.

"Coach Ella, medyo nagco-cost cutting ako eh. Ayaw ko sana mawala ang work out." Paliwanag ko sa namamahala ng gym.

"Baka naman puwede ko makuha ang promo kahit dalawang taon na ako dito."

Madali kong napapayag ang magandang binibini.

Matapos ang sunod-sunod na kamalasang dinanas ngayong tag-araw, sa unang pagkakataon ay magtatapos ang aking entry na may magandang kuwento.

Sa buwanang membership fee na P1250 para sa paggamit ng facilities ng gym.

Ito ay bumagsak ng kalahati.

Sinarado ko ang bagong kontrata na pitong libo na lang ang bayad para sa buong taon.


3 comments:

Dabo said...

alam mo ba kailangan ko magpalakas ng "grip" si tagay dinurog ang kamay ko hehehe..

--- --

health reason dapat ang primary goal natin repa, perks at side effect ang hubog.

lastly pag malakas ka, mas marami ka na matutulungan.

Mugen said...

Dabo: Haha hindi ako apektado ng grip ni Tagay. Mas malakas ako sa kanya. Lol.

Health reason. Ugh, lagi kaya akong naghihina lalo na pag medyo heavy ang work out sa gym.

blagadag said...

am happy for this turn.