Friday, December 19, 2008

A Message From Hyperspace

Hello po sa iyo. Natanggap ko ang iyong regalo at nagpapasalamat ako dahil naalala mo ang kaarawan ko. Pasensya na kung sa mga panahong ito ay iniiwasan ko ang mga tawag at pakikibalita tungkol sa iyo. Masyado pa kasing sariwa ang lahat para pag-usapan natin ang mga bagay-bagay na nagdulot sa ating paghihiwalay. Nawa'y nasa mabuti kang kalagayan. Tingin ko naman ay suportado ka ng ate mo dahil amoy Europe pa ang mga damit na binigay mo sa akin. Pasensya na kung hindi ko masusuot yung isa, masyado na kasi itong malaki para sa akin. Sana ay ayos lang ang pag-aaral mo. Alam ko, mahirap sayo ang ganitong sitwasyon, subalit alam kong mas mahihirapan ka na nag-eexist tayong malabo ang takbo ng ating relasyon.

Saan ko man tingnan kasi, kinakailangan talaga nating magkahiwalay dalawa.

Maraming mga bagay ang hindi ko pa mabubuksan sa ngayon, ngunit lagi mo sanang pakatandaan na anumang tulong, suporta at paghihirap na ibinuhos ko sa iyo ay walang hinihinging kapalit. Huwag kang ma-guilty sa mga nangyari sapagkat nakikita kong nakaraan na natin yun. Sa halip, ipagpatuloy mo ang iyong nasimulan sa pag-aaral. Maging hamon sana sa iyo ang ating pinagdadaanan ngayong magkaiba na tayo ng landas. Hindi ako nagsakripisyo at nagsugal ng sarili ng napakahabang panahon upang malaman lang na sa bandang huli ay isusuko mo ang lahat ng ating pinaghirapan.

Huwag ka mag-alala, hindi ako galit at lalong hindi kita nakakalimutan. Sa araw-araw na pagbangon ko sa umaga ay naiisip pa rin kita. Subalit, gaano man ang attachment ko sa iyo, panahon naman para ayusin ko ang aking sariling buhay. Nawa'y maintindihan mo sana ito. Kung maari sana, bilang respeto sa anumang nagkaroon tayo, hinihiling ko sa iyo ang distansya mula sa akin. Tatanawin kong malaking bagay ang magkaroon ng katahimikan sa ating dalawa. Ito lang ang nakikita kong paraan para naman mahanap ko ang aking sarili at mabuo ang mga bahagi na inilaan ko sa iyo.

Sa iyong tagumpay ilang buwan mula ngayon, alam kong maiinitindihan mo ang mga sinasabi ko sa liham na ito. Saan mang sulok ng mundo ka makarating, sapat na sa akin ang malaman na binago ko ang iyong buhay. Hayaan mong magtagpo tayo sa panahong kaya na nating tumingin pareho sa mata ng isa't-isa. Ngayon kasi ay hindi patas ang takbo nating dalawa.

Hindi dito natatapos ang ating pag-uusap. Balang araw, tayo ay magtatagpo at ipapaintindi ko sa iyo kung saan tayo nagkamali sa relasyon.

Lagi kong dalangin ang iyong kalusugan, kapayapaan at kasiyahan sa piling ng mga taong tunay na nagmamahal sa iyo. Ito rin ang aking dasal para sa iyong pamilya, mga kaibigan at pati na rin sa taong mag-aalaga at gagabay sa iyo.

Maligayang Pasko at Isang Masaganang Bagong Taon.




//Message transmitted 0325 hrs Manila Time: Code Encryption: Nominal
//Point of Origin: LBC Com Relay Station, Sol G2V, Destination: Tholitz Star System

No comments: