Friday, August 7, 2009

Supreme Sacrifice | Limbo

Matapos mag-check ng attendance; mag-ikot sa floor at matiyak na may tao ang lahat ng accounts ng iyong center;

At matapos tumayong officer-in-charge at mag-allocate ng mga trabaho habang missing-in-action ang iyong mga superior;

At matapos mong ibalik ang responsibilidad sa totoong may hawak nito - pagkaraan ng mahigit tatlumpung minuto na puno ng pakikipagsapalaran masiguro lang ang matiwasay na turn-over ng operations sa floor,

Sa huli ay babalik ka rin sa katotohanang wala ka na sa authority humawak ng tao at ang tanging pa-konswelo na lang na iyong matatanggap ay ang pagsunod ng mga katrabaho bilang dati nilang officer at leader sa oras na wala ang mga supervisor.

Sa pagdating ng mga mas mataas sa iyo, walang imik mo na lang kukunin ang iyong mga gamit sa kanilang workstation, lalakad ng hindi tumitingin sa mga tao, at lilipat sa iyong bagong cubicle kung saan walang makakapansin na nalipasan ka na ng panahon.

---

Hiniling ko na ibalik ako sa load shift upang bigyang daan ang pagbabalik ng Team Leader sa shift ko ngayon. Dalawang beses na-deny ang aking pagsusumamo. Mag-intay lang daw ako ng bagong orders mula sa boss.

Sa totoo lang, habang tumatagal ako sa ganitong estado, lalo kong nararamdaman na tila na-demote ako trabaho.

At ang masakit dun, hindi ko masikmura makipagsabayan sa mga dating subordinates lalo pa't alam ko na mas mahalaga ang kanilang pangangailangan kumita.