Monday, April 14, 2008

Alyas Jen Marasigan (First Part)

Ang sabi nila, lahat daw ng mga PLU ay may tinatagong feminine side.

Karamihan sa kanila ay unaware o in-denial dito, lalo na yung mga discreet at mga straight acting. Ang iba naman ay lumilitaw sa kanilang taste sa music, TV shows, interests o kaya naman sa reaction sa bawat sitwasyon. The rest ay todo-todong nang niyakap ang kanilang effeminity na kahit sa salita, sa kilos at sa pananamit ay kinarir na upang maging ganap ang kanilang dream role na maging babae.

Sa kaso ko, aware ako sa aking feminine side. It breathes life into me. Nakakatuwa nga, sa tinagal-tagal ko itong dineny ay noong ganap lang akong naging PLU natanggap na meron pala akong ganitong trait.

Bahagi ng aking feminity ay dahil sa aking upbringing. Lumaki ako sa isang Matriarchal na pamilya kung saan ang mga nanay ang mas malakas ang impluwensya sa mga anak na lalaki at hindi ang mga tatay. Palibhasa'y babae ang utol ko kaya naman noong lumalaki kami ay mas ineencourage ni Mama na palibutan kami ng mga kababaihan. Ito ay dahil sa takot na baka gawan ng hindi mabuti ang kapatid ko sakaling lalaki ang makitira sa amin.

Bunga nito, kami lang ng tatay ko ang lalaki sa bahay.

At ang masaklap dun ay bihira lang umuwi ng bahay ang erpats ko.

---

Bago ako tinuli ay soprano ang boses ko.

Makailang beses na akong pinagtawanan dito, lalo na kapag nababanggit ng teacher noong elementary ang mga katagang "Yes hija??" tuwing meron akong katanungan habang siya naman ay nakatalikod at nagsusulat sa pisara. Meron rin akong kaklase noong first year high school. Sabi niya sa akin ay iwasan ko daw tumawag sa bahay nila dahil boses babae daw ako. Baka daw kung ano pa ang isipin ng mga magulang niya, lalo na't tumatawag lang ako para makipagkwentuhan sa kanya.

Simula noon ay umiwas na rin siya sa akin.

Nawala lang itong stigmang ito nang ako ay natuli at napabilang sa mga grupo ng lalaki sa klase. Simula kasi noon ay hindi ko na ugaling bumarkada sa mga babae dahil hindi ko rin naman kadalasan kasundo sa interests ang mga ito. May mga pagkakataon rin kasi na pinaplastik ako ng mga kaibigan kong tsiks noon kaya bandang huli ay ako na ang nagpasyang lumayo sa kanila. Naroon rin na dahil puro babae ang mga tao sa bahay ay ako na ang gumawa ng paraan para isalba ang natitirang pagkalalaki sa akin. Sa kasamaang palad nga lang ay mas identified ako sa mga babae kaya naman wala ring grupo ng mga lalaki ang gusto makipagkaibigan sa akin.

Dahil dito, napabilang ako sa grupo ng mga nerds, outcasts at may mga future maging prinsesa noong mga unang taon ko sa high school. Nagkahiwa-hiwalay rin kami noong third year dahil iba ang electives section ng mga barkada ko kesa sa akin. Naiwan tuloy ulit akong nag-iisa . Mabuti na lang at naawa sa akin yung isang grupo ng mga lalaki sa section ko. Naisip siguro nila na ayus naman akong makisama kaya sinali nila ako sa kanilang grupo.

Simula noon, naging puro all-boys na ang mga kasama ko. Yung mga tsik naman ay naging extension ko na lang.

Ngunit sa kabila nito, naging mahirap pa rin ang adjustment. Masyado na kasi akong ginawang malambot ng upbringing ko. Kahit na puro straight nga ang mga barkada ko, naroon at alam kong pinagdududahan rin nila ang kilos ko. May bestprend akong nairita sa akin kasi daw masyado ko siyang "inaalagaan." Ito ring tropa ito ang nag-sabi sa akin ng "I love you" sa phone nang minsan siyang nalasing at nakikipaggaguhan sa kanyang mga katropa. Meron naman akong ka-tropa na halos linggo-linggo ay nakikitulog sa amin. Trip niya na sabay kaming mag-review tuwing may exams kasi daw, bukod sa kino-coach ko siya ay pinapakopya ko pa siya tuwing exam period.

Isang taon matapos kaming mag-iba ng section ay narinig ko na lang ang press release niyang boyprend ko daw siya. Siyempre walang naniwala. Pati nga ako ay kumagat na lang sa kalokohan niya eh. Palibhasa'y straight kami mag-isip, kaya kahit na todo ako magbigay ng atensyon sa katropa ay hindi namin ito binibigyan ng meaning. Para sa akin ay tamang pakisama lang ang lahat. Ganun kasi ako bumarkada.

Mabuti na lamang at sa kabila ng kanilang mga pagdududa, ang pagka-koboy at walang patawad na pagkasenti ko ang nagbigay sa akin ng place sa bawat grupong sinalihan ko. Rigid kasi ang buhay straight at ang pag-eexpress ng emosyon ay hindi talaga permissible sa lalaki. Ngunit dahil kailangan rin naman ng emotional support ng isang lalaki lalo na't wala siyang girlfriend na mapapagsabihan ng kanyang issues at problema, ang barkada ang sumasalo dito.

Yun naman ang expertise ko.

Sabi nga ng isa naming tropa ni Kapre noon. Kung si Kapre daw ang kamao, ako naman daw ang puso ng tropa. Hindi ko nga alam kung bakit niya kami nakumpara, lalo pa't sobrang opposite kami ni Kapre.

Ang alam ko lang, basta sumapit ang madaling araw, may sleep-over ang barkada at nagkaka-antukan na, ako ang paboritong kausap ng mga tao.

Role ko na yata maging comforter simula noon.

---

-tobecontinued-

No comments: