Friday, April 25, 2008

MMORPG

Simula pa lang pagkabata ay nakilala na ako bilang isang master strategist pagdating sa computer games. Naroon at dumating ang panahon na sa halip na nakikinig ako sa aming teacher sa values education noong elementary ay abala ako sa paggawa ng plano kung paano matatapos ang Mario 3 nang hindi kailangang daanan ang lahat ng stage. Sa tulong ng Warp Whistle ay nakaabot ako ng World 8 nang hindi dumaraan ng World 6 at 7. Ilang linggo pa ang lumipas simula noong ako ay nagplano at natapos ko rin ang laro.

Ganito rin ang ginawa ko noong nadiskubre ko ang Sid Meier's Civilization sa computer. Sa murang edad na katorse ay tinuring na akong empire builder ng mga kalaro kong geek sa game na ito. Natatandaan ko pa nga, habang ang lahat ng estudyante sa internet cafe ay abala sa paglalaro ng NBA o kaya naman ng Street Fighter, kami naman ng mga katropa ko ay nakikipagdiplomasya kay Stalin o kaya naman kay George Washington o kay Alexander the Great para hindi ma-nuke ang mga siyudad na pinaghirapan naming itayo. Siyempre, lahat ito ay nangyayari sa computer. Malay ba ng iba naming mga kasama kung bakit nababadtrip kami sa tuwing nagsne-sneak attack ang mga kalaban namin.

Marami pa sana akong kwento tungkol sa karanasan ko pagdating sa video games. Subalit, ang entry na ito ay tungkol sa isang uri ng laro na napapansin kong usong-uso sa mga kidzz ngayon.

Lingid sa alam ng marami ay nag-online gaming rin ako noong ito'y kaka-introduce pa lang sa Pinas. Uso pa noon ang PLDT Vibe at kaunti pa lang ang may DSL sa kanilang mga bahay. Palibhasa'y halos unlimited ang access ko sa internet kaya naman sinamantala ko ang pagkakataon at nag-install ako ng isang online game na sumikat ng todo-todo ilang taon na ang nakalipas.

Bilang respeto sa aking sponsor ay hindi ko babanggitin ang pangalan nitong larong ito. Basta ang natatandaan ko, kulay green at may hati ito sa gitna ang buhok ng main character ko. Mukha rin itong anime na kapansin-pansing mas malaki ang ulo kesa sa kanyang katawan.

Kung hindi ako nagkakamali ay nagsimula ang player ko sa isang simbahan doon sa bayan kung saan matatagpuan rin ang karamihan ng mga guilds sa larong iyon. Natatandaan ko rin na may matatagpuang gubat pagkalabas na pagkalabas mo ng bayan na ito. Palibhasa'y baguhan pa lang ako't mahina pa ang aking bida kaya naman ang dali rin nitong madedo sa tuwing sinubukan kong patayin yung mga praying mantis na nagkalat doon sa gubat. Tuloy, habang ako ay nagpapataas ng experience points ay madalas napapagdiskitahan ko yung mga halimaw na mukhang teardrop at tinatawag nilang Poring.

Ilang creatures rin na ganito ang kailangan kong imassacre bago ko napatay ang una kong prying mantis.

---

Dumaan ang mga araw at tuluyan na akong nahumaling sa larong ito.

Dedma na sa kung magkano ang babayaran ni Papa sa bill ng PLDT. Ang importante ay lalong lumakas ang character na pinili kong maging isang Acolyte sa online game na iyon. Ang Acolyte ay tinuturing na supporting unit na madalas ay sinasama tuwing may tatalunin na malakas na kalaban ang ibang manlalaro. Role ng isang Acolyte ang lumagi sa mga lugar kung saan walang mga halimaw at mag-heal ng mga players na malapit ng mapatay ng kalaban.

In fairness sa pagiging Acolyte ay napaka-feminine ng trabahong ito. Madalas ay naiimagine ko ang aking sarili bilang isang comfort woman na ang trabaho ay pasiglahin si Buraot19 at si Pyromaniacboy habang tinatalo nila ang isang napakalakas na Munak sa kweba ng Payon.

Sa tuwing ako naman ay nababagot sa paulit-ulit na pagpatay ng mga halimaw upang tumaas ang experience points ay tumatambay ako sa mga lugar kung saan naroon ang mga Merchants. Sila yung mga players na hanggang online ay dala-dala ang kanilang pagiging magulang sa kapwa. Madalas ay matatagpuan mo ang mga ito na nakaupo at nagbebenta ng mga potions, weapons at amulets na hino-hoard rin ng ibang mga Merchant doon. Sinumang naglalaro ng online game na ito ay imposibleng hindi sila mahagilap. Bukod kasi sa may dala-dala silang stroller ay madalas na may shout-out message pa ang mga ito.

Carrots for sale
Jellopy paubos na!!
Resin for trade


Madaling araw man o kaya prime time bida sa channel 2 ay online sila't handang magbenta hanggang sa may ipagbibili. Bilang pang-asar sa mga Merchants na ito ay makailang ulit rin akong gumawa ng sariling shout-out para magpapasin sa ibang manlalaro. For a time, naging ugali ng mga tao roon ang gumawa ng kanya-kanya nilang shout-out message lalo na't walang aksyong nagaganap online.

SEB tayo, Manila here 21m
Palimos po ng biyaya. May libreng kiss sa akin.
Nagbibigay sarap. Acolyte here, sino ang interesado??


Tumagal rin ng ilang buwan ang addiction ko sa online game na ito. Sa kasamaang palad ay nadiskubre ng erpats ko ang biglaang pagtaas ng phone bill namin matapos akong magsign-up sa PLDT Vibe. Sa galit niya sa akin ay pinaputol niya ang linya ng telepono sa kwarto ko. Kasunod naman noon ang announcement na isasara na ang beta version ng laro. Masyado kasi itong sumikat at kailangan na kumita ng kumpanyang nag-introduce nito sa Pilipinas.

Hindi na ako ulit nag-sign up pagkatapos noon. Nagbalik rin ako sa pagiging pirata ng PC Games, habang unti-unti namang nakukuha ng The Sims ang atensyon ko sa computer. Ngayon, sa tuwing nakakakita ako ng mga junjun* na inaabot ng pasado hatinggabi sa internet cafe para maka-level up lang sa larong Mu Online ay muling bumabalik sa alaala ko ang mga panahong katulad ko rin sila.

It's just a game like all others.

Iyon ang sasabihin ng mga nakagraduate na sa kinaadiktan natin.

Subalit aminin man natin o sa hindi, ibang experience pa rin ang naidudulot ng mga online games, lalo na't tila walang saysay ang mundo ng katotohan para sa atin.

---

Magdamag nag-aabang maglalaro kaya
Ang dalagang nagtatago sa alyas na maldita
Sa dating tagpuan sa bayan ng prontera
Katabi ng tindahan ng magic at sandata

- Chicksilog, Kamikazee



No comments: