Thursday, April 3, 2008

Madonna En Mariah

Paunawa: Ang entry na ito ay hindi kailanman nais mag-provoke ng digmaan sa pagitan ng mga Mariah at Madonna fans. Ang lahat ng nilalaman nito ay pawang mga obserbasyon ko lamang.

---

Noong sabado ng gabi ay nag-inuman kaming mga Odders sa Greenhills.

At gaya ng dati, huli na naman akong dumating sa venue. Paano kasi ay alas-10 na rin ang tapos ng trabaho ko. Unang nakapansin sa aking pagdating ay si Dodong. Nag-iisa siya noong gabing iyon at wala ang kanyang buddy. Naroon rin si Roy, na tinuturing na naming tiga-organize ng Contingent ngayon. Paano kasi, kapag iba ang nagtatawag ay kaunti lang ang dumarating. Samantalang kapag ang besprend ko naman ang nagtext, walang maka-hindi sa kanyang imbitasyon. Talk about charisma. Kasama rin naming nag-inuman si Truman at si Eisenhower, mga hindi totoong pangalan. Simula yata nang maging magbuddy ang dalawa ay hindi ko na sila nakitang hindi pares sa aming lakad.

Katabi ng table namin ay may nag-iinuman rin. Dalawang babae at tatlong bading. Yung mga bading ay kapansin-pansing chubby. Kung pagmamasdan mo silang mabuti ay hindi sila nalalayo ng hawig sa mga barkada ni Mandaya Moore-Orlis. Pati ang mga babaeng kasama nila ay mukhang bading rin, pero babae talaga sila.

Wala pang limang minuto akong nakakaupo nang may nag-open ulit ng topic tungkol sa American Idol. Kagaya noong huli kami nagkita, si David Archuleta at Ramiele Malubay pa rin ang pinaguusapan. Walang duda para sa kanila na mas gusto nila ang performance ni Malubay kesa kay Jasmin Trias. Si Archuleta naman daw ay masyadong prinopromote ng mga judges na sa tingin nila ay hindi na nakakatuwa pa. Pero dahil ignorante talaga ako pagdating sa American Idol, (na kinababaliwan rin ng buddy ko) wala akong nagawa kundi makinig na lamang sa pinag-uusapan nila.

Marahil ay naramdaman ni Dodong na medyo out of place na ako sa inuman. Upang maibsan ang aking pagka-OP, kinausap niya ako't tinanong kung alam kong may bagong album si Madonna.

"Yep, kasama pa nga niya si Justin Timberlake eh." Ang sagot ko kay Dodong.

Sinabi ko kay Dodong kung ano ang alam ko tungkol sa bagong album: na kesyo sa album ni Madonna ay Hiphop naman ang concept niya.

"Meron na nga akong na-download na song galing dun sa album na yun eh."

"Paano ka magkakaroon eh hindi pa siya released? Wala pa nga siya sa torrent eh." Tanong ng aking kausap.

"Sa Limewire. Nakita ko lang doon eh."

Bago pa matuloy ang kwentuhan ay mukhang natunugan ng iba pa naming mga kasama ang aming topic. Bigla-bigla ay nagsikambyo sila't nakisawsaw sa usapan namin ni Dodong.

"May press release daw na naunahan na ni Mariah si Madonna pagdating sa pagrerelease ng mga albums ah!" Hindi ko matandaan kung sino sa mga tropa ko ang humirit nito.

Kasunod ng hirit ang aking mariing pagtanggi na kapantay ni Mariah si Madonna. "I beg to disagree!" sumbat ko.

Hindi ko alam kung ang aming usapan ay naririnig ng mga bading na katabi namin, ngunit noong mga oras na iyon ay may namumuong tensyon sa pagitan ng dalawang grupo sa lamesa namin.

"Hindi pwedeng maging ka-equal si Mariah. Puro RnB lang naman ang kinakanta niya ah!" Sang-ayon naman sa akin si Dodong. Mabuti at wala sa aming lamesa ang mga hardcore fans ni Mariah. Tiyak na gulo ang mangyayari kung kasama sila noong mga oras na iyon.

Kung tutuusin ay hindi naman talaga ako maka-Madonna at lalong hindi rin ako maka-Mariah. Nagkataon lang na may humahamon sa talento ng isa sa mga nirerespeto kong music artist kaya naman dumipensa kaagad ako. Ngayon kung inyong tatanungin eh ano ba ang nakita ko kay Madonna na wala kay Mariah, simple lang ang sagot ko.

Nirespeto ko si Madonna dahil sa kanyang album na Ray Of Light. Saan ka naman nakakita ng Pop Artist na nag-attempt magpaka-electronica at nagtagumpay dito. Hindi pa kasama doon ang mga ballads na paulit-ulit kong pinapatugtog kapag ako ay nasesenti. Kagaya ni Cher at Kylie Minogue, gumawa rin siya ng disco album na hanggang noong huling dayo ko sa Government ay pinapatugtog pa rin. Sabi ko nga kay Dodong, kulang na lang na gumawa siya ng "Light-Alternative" album gaya ni Sarah Mclachlan at talagang sasambahin ko na siya.

Sa dami ng naisulat, kinanta at naging reinvention ng career ni Madonna, walang duda kung sino talaga ang reyna.

---

Noong gabi ring iyon ay kausap ko si Kuya Tripper sa text.

Paano kasi ay noong dumating ang iba pa naming mga tropa at pinagusapan na ang mga escapades nila sa Galera (katulad ng kwento ng dalawang magkaaway na plu na naging mag-bestfriends matapos bigyan ng booking ng isa yung kaaway niya) noong mahal na araw ay nakaramdam ako ng kaunting pagkawala. Bukod kasi sa hindi na ako makarelate sa usapang bading ay nasanay na ako sa barakong kwentuhan kapag si Tripper at aming mga ka-alyansa ang kasama ko sa inuman.

Inamin ko sa ka-text ko na habang nalalasing ako noong gabing iyon ay yung babae sa kabilang table ang napapansin ko. Ayaw kong tanggapin na umiiral na naman ang pagiging bisexual ko, pero ang sabi sa akin ni Trip na lahat naman daw ng tao ay bisexual talaga. Nagkataon lang marami ang hindi tumatagal sa pagiging fence-sitter.

Buong gabing iyon ay naghahanap ako ng isang bagay na magpapaalala sa akin na PLU ako at hindi bisexual at lalong hindi straight. Buong gabi ko rin inoobserbahan kung paano nag-evolve ang iba sa mga katropa ko sa pagiging in-denial noong kami'y unang nagkita hanggang sa matanggap nila kung sino talaga sila ngayon.

Ang issue ko naman noon ay ang pakiramdam na habang nawawala ako sa sirkulasyon ay unti-unti ring nagiging malabnaw ang kulay ko. Mukha yatang hindi buo ang pagtanggap ko sa aking sarili.

Ganun man ang tingin ko noong gabing iyon, ngayon ko na lang narealize na sa pagbibigay ng comparison sa pagitan ni Madonna at Mariah ay siya ring bulusok ko patungo sa sentro ng usapang pambading. Handa na sana akong maging preference-neutral pagdating sa mga entries ko dito sa blog...

Pero sa huli, hindi ko rin pala makakaila kung ano talaga ako.

No comments: